Itinalaga ng New NAIA Infra Corp. (NNIC) si Jong Hoon “John” Kim, isang veteran executive ng Incheon International Airport, bilang bagong chief operating officer (COO) ng kumpanya habang nagpapatuloy ang modernization ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Inanunsyo ng NNIC ang appointment nitong June 3. Papalitan ni Kim si Ok Chul “Paul” Shin, na lilipat sa bagong role.
Bilang COO, hahawakan ni Kim ang araw-araw na operasyon ng NAIA, kabilang ang passenger flow, security, cargo operations, facilities management, at airport systems.
Halos tatlong dekada ang karanasan ni Kim sa Incheon International Airport, partner ng NNIC sa pagdadala ng global airport operating standards sa NAIA.
Bago ang kanyang appointment, nagsilbi siya bilang director of airport security management sa Incheon. Pinangunahan niya roon ang rollout ng biometric access control, artificial intelligence-assisted CCTV, at comprehensive security inspection program.
Hinawakan din niya ang operational readiness planning para sa fourth-phase expansion ng Incheon, kabilang ang paghahanda ng bagong airport facilities para sa full operation.
May karanasan din siya sa cargo, logistics, free trade zone development, at aviation safety standards sa Airports Council International.
Naging director din si Kim ng operations and facilities management sa Kuwait Airport Terminal 4 at operational readiness consultant para sa Erbil International Airport sa Iraq.
Si Kim ay nagtapos ng electrical engineering sa National Jeju University. Isa rin siyang licensed senior electrical engineer at certified Project Management Professional.
Ayon kay NNIC General Manager Angelito Alvarez, kailangan ng NAIA ang karanasang dala ni Kim habang inaayos ang airport systems at passenger experience.
“John brings the operating discipline and technical depth NNIC needs at this stage of NAIA’s transformation,” ani Alvarez.
“His experience at Incheon is directly relevant to the work ahead as we continue improving the airport’s systems, facilities and passenger experience,” dagdag niya.
Ang NNIC ang private operator ng NAIA sa ilalim ng P170.6-billion concession para i-upgrade at i-modernize ang pangunahing paliparan ng bansa.
Target ng proyekto na palakihin ang annual passenger capacity ng NAIA sa 62 million mula 35 million.
Noong nakaraang taon, naitala ng NAIA ang pinakamataas nitong annual passenger volume sa 52.02 million, halos 4 percent na mas mataas kaysa dating record na 50.1 million passengers noong 2024.
Bukod kay Kim, kinuha rin ng NNIC si Han Joon Kim, isa pang Incheon veteran na may 21 taong karanasan, para sa team na hahawak sa civil aviation compliance at mandatory works.
Ayon sa NNIC, layunin ng mga appointment na dalhin sa NAIA ang mas mataas na airport operating standards matapos ang matagal nang problema sa congestion, aging facilities, at limitadong capacity. /Bistado


