Lumago ang kita ng Meralco sa 2025 at umabot sa Php50.57 bilyon ang net income nito, pinakamataas sa kasaysayan ng kumpanya.
Sa gitna ng tumataas na demand sa kuryente at pagpapalawak ng power generation assets, nagpakita ng malakas na performance ang pinakamalaking distribution utility sa bansa.
Ayon sa kumpanya, malaki ang ambag ng power generation arm nito sa paglaki ng kita. Mas mataas ang output ng mga planta at mas naging matatag ang operasyon kumpara sa nakaraang taon. Kasabay nito, tumaas din ang konsumo ng kuryente sa residential, commercial, at industrial sectors sa loob ng franchise area ng Meralco.
Lumaki ang benta dahil sa mas mataas na energy sales. Kapag tumataas ang paggamit ng kuryente sa mga bahay at negosyo, tumataas din ang volumetric sales ng distribution utility. Ipinunto rin ng Meralco na umangat ang core net income, o ang kita mula sa regular na operasyon, indikasyon ng solidong performance ng pangunahing negosyo nito.
Bukod sa kasalukuyang kita, binigyang diin ng kumpanya ang patuloy na pamumuhunan sa bagong power projects, kabilang ang renewable energy. Layunin nitong tiyakin ang sapat at maaasahang suplay ng kuryente habang lumalaki ang pangangailangan ng ekonomiya. /Bistado


