Posibleng ipagbawal ang messaging app na Telegram sa Pilipinas. Ito ang lumutang matapos ihayag ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na pinag-aaralan nito ang mas mahigpit na hakbang laban sa mga online platform na ginagamit umano sa ilegal na aktibidad.
Inanunsyo kamakailan ng DICT na nakikipag-ugnayan sila sa iba pang ahensya para tugunan ang paglaganap ng scam, child exploitation, at iba pang krimen na iniuugnay sa ilang private messaging platforms. Kabilang sa tinututukan ang Telegram dahil sa encrypted features nito at sa kakayahan nitong mag host ng malalaking grupo at channel.
Ayon sa DICT, hindi agad-agad ang pagbabawal. Kailangan munang dumaan sa ligal na proseso at masusing pag aaral. Tinitimbang kung sapat ba ang kasalukuyang regulasyon o kung kinakailangan ng mas matinding hakbang tulad ng pag block ng access sa bansa.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nabanggit ang Telegram sa usapin ng online abuse at scam operations. Ilang ulat na ang nagsabing ginagamit ang app sa pagkalat ng phishing links, investment scam, at illegal content. Dahil dito, iginiit ng pamahalaan na dapat managot ang mga platform kung hindi sila makikipagtulungan sa mga awtoridad. /Bistado


