Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Libreng kuryente soon? ASAP sana, sabi ng Kamara

Matatamasa na ng mga pamilyang mababa ang konsumo ang libreng kuryente – yan ay kung agarang maipapasa sa Kamara ang panukalang magbibigay ng free electricity sa mga kwalipikadong kabahayan.

Isinusulong ni House Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos, sa pamamagitan ng House Bill No. 2700, na gawing libre ang kuryente para sa mga kabahayang mababa ang konsumo.

Layon ng panukala na palitan ang kasalukuyang “cross subsidy system” at magtatag ng direct government subsidy para sa mga benepisyaryo.

Sa ilalim ng panukala, kabilang sa eligible households ang mga residential consumer na hindi hihigit sa 135 kilowatt hours ang average monthly consumption sa nakalipas na tatlong buwan, o may monthly bill na hindi lalampas sa P2,000.

Pero ang panukala ay hindi para sa lahat. Nakatuon ang panukala sa “low consumption households” o ang mga tinatawag na “lifeline consumers.” Ang target ay ang mga pamilyang limitadong appliances ang gamit at mahigpit ang budget kada buwan. Sa ganitong sistema, ang tulong ay diretso sa mga higit na nangangailangan, ani Rep. Marcos.

Ipinahayag ng Malacañang ang pagiging bukas nito sa panukala ni Rep. Marcos.

Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, may umiiral nang kahalintulad na programa ang administrasyon para sa mga benepisyaryo ng 4Ps na hindi lumalampas sa 50 kilowatt hour ang buwanang konsumo. Gayunman, sinabi ni Castro na kailangan pa ng masusing pag-aaral ang bagong panukala bago ito tuluyang maisabatas.

Kabilang sa susuriin ng Palasyo ang magiging epekto nito sa ekonomiya at kung aling ahensya o sektor ang sasagot sa gastusin sakaling maaprubahan ang programa. Binigyang diin din ni Castro na dapat balanse ang polisiya upang hindi maapektuhan ang power industry at ang fiscal position ng gobyerno.

Naniniwala ang Palasyo na bukod sa tulong pinansyal, maaaring mahikayat ang publiko na magtipid sa paggamit ng kuryente kung may malinaw na threshold at insentibo. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles