PASAY CITY – Mahigit P6.4 million halaga ng hinihinalang ilegal na droga ang nadiskubre sa limang abandoned inbound parcels sa Central Mail Exchange Center sa Domestic Road, Pasay City noong May 26.
Nasabat ang mga parcel sa isang coordinated interdiction operation ng intelligence at interdiction personnel ng Aviation Security Unit-National Capital Region, katuwang ang Bureau of Customs at Philippine Drug Enforcement Agency.
Ayon sa ulat, na-flag ang mga parcel sa routine x-ray screening.
Isinailalim din ang mga ito sa manual examination at K-9 inspection, kung saan nadiskubre ang iba’t ibang hinihinalang dangerous drugs.
Nakatago umano ang mga substance sa mga declared items gaya ng canned goods, boxed products, at iba pang packages.
Batay sa initial assessment, kabilang sa mga nasamsam ang suspected methylenedioxymethamphetamine o MDMA, na kilala rin bilang ecstasy, marijuana kush, cocaine, ketamine, ecstasy tablets, at iba pang unidentified substances.
Tinatayang lagpas P6.4 million ang kabuuang street value ng mga nakumpiskang droga.
Ayon sa mga awtoridad, abandoned ang mga parcel nang masabat ang mga ito sa mail facility.
Naka-consign umano ang mga shipment sa maraming indibidwal sa Pampanga at Cagayan de Oro.
Nagmula naman ang mga parcels sa mga address sa Canada at France.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang mga consignee, posibleng network sa likod ng shipments, at iba pang sangkot sa tangkang pagpapasok ng illegal drugs sa bansa sa pamamagitan ng international parcels. /Bistado


