“Mayor Isko, please help.”
Ito ang panawagan ng ilang netizen matapos mag-viral sa Reddit ang reklamo tungkol sa umano’y sobrang singil ng mga tricycle driver sa Sampaloc, Maynila, partikular sa rutang malapit sa University of Santo Tomas (UST).
Ayon sa nag-post na Reddit user, sumakay siya mula Bambang patungong Gelinos Street at siningil ng Php70.
Batay umano sa umiiral na fare matrix sa lugar, nasa Php13 hanggang Php17 lang ang dapat bayaran para sa naturang distansya.
Sa isa pang ruta, Asturias hanggang Concepcion, Php60 naman daw ang singil. “Sobrang overpriced nila sumingil,” saad ng netizen.
Dagdag pa niya, kahit ibigay mo ang pamasahe ayon sa matrix, sisingilin ka pa rin ng dagdag. Sasabihin umano ng driver na matagal na raw hindi nasusunod ang matrix. Kapag iginiit ng pasahero ang tamang pamasahe, may pagkakataon pang sasagutin sila nang pabalang.
Isa pang netizen na may alyas na “tiredlittlebug” ang nagkomento na hindi malinaw kung bakit lagi na lang dinedepensahan ang “special trip rate.” Aniya, kung susumahin ang bayad para sa tatlong upuan na karaniwang binabayaran sa special trip, lalabas na wala pang Php55 piso ang dapat ibayad, hindi Php70.
May mga netizen ding nagsabi na matagal nang problema sa Maynila ang umano’y kawalan ng regulasyon sa tricycle fare. Wala umanong malinaw na terminal sa ilang lugar at may mga pumapasadang colorum. May reklamo rin na pati mga e-bike na hindi rehistrado bilang pampasada ay ginagamit na sa pagbibiyahe ng pasahero.
Ayon sa mga nagrereklamo, karamihan sa naaapektuhan ay mga estudyante, lalo na’t malapit sa UST ang tinutukoy na lugar. Hiling nila ang mas mahigpit na implementasyon ng fare matrix at mas mabigat na parusa sa lalabag. Dagdag pa nila, kapag nag-email ng reklamo sa kinauukulan, madalas wala umanong tugon.
Panawagan ng mga netizen, agarang aksyon mula sa Manila City Hall upang matiyak na nasusunod ang tamang pamasahe at hindi dehado ang mga pasahero.
Wala pang sagot ang kampo ng Manila LGU hinggil sa mga reklamo. /Bistado


