Kumpiyansa ang mga abogado ng mga pamilya ng “tokhang” victims na magpapatuloy ang kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) matapos ang ikatlong araw ng pre-trial proceedings noong February 26 sa The Hague. A
Sa nasabing pagdinig, tinalakay ang mga isyu sa jurisdiction, participation ng victims, at susunod na mga hakbang sa proseso bago tuluyang magdesisyon ang hukuman kung itutuloy ang trial.
Sa Day 3 ng pre-trial, binigyang-linaw ng ICC judges ang timeline at mga requirement para sa confirmation of charges stage. Pinag-usapan din ang saklaw ng ebidensya at kung paano isasama ang testimonya ng mga biktima.
Sa nasabing pagdinig, binigyan din ng pagkakataon ang kampo ni Duterte na ilatag ang kanilang mga argumento hinggil sa hurisdiksyon ng ICC. Iginiit dito ni Nicholas Kaufman, abogado ni Duterte, na walang “causal link” sa kanyang kliyente ang mga pagpatay noong panahong mayor at presidente siya.
Matapos ang pagdinig, binansagang “mahina” ang depensa ng nasabing kampo, ayon sa National Union of People’s Lawyers (NUPL), isa sa mga grupo ng mga abogadong nagrerepresenta sa mga biktima.
“Now we know why Duterte tried to derail the confirmation hearing: he has no credible defense…At this rate, Duterte is doomed,” pahayag ng NUPL.
Dagdag pa ng NUPL, dumarami pa ang mga nais lumahok sa kaso bilang victim-participants. Ayon sa mga abogado ng mga pamilya, marami pang biktima ang nagpahayag ng kagustuhang magsumite ng aplikasyon upang maiparinig ang kanilang panig. Para sa kanila, mahalaga ang partisipasyon ng mga direktang naapektuhan upang maitala sa korte ang kabuuang epekto ng kampanya kontra droga.
Kasalukuyang hinihintay ang susunod na hakbang ng ICC, partikular ang kanilang desisyon kung tutuloy ba sa trial stage ang kaso ng dating presidente. /Bistado


