Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

2 patay, 1 nawawala sa Davao landfill slide

DAVAO CITY – Umakyat na sa dalawa ang patay sa sanitary landfill slide sa Barangay New Carmen, Tugbok District, Davao City, habang isa pa ang nananatiling nawawala, ayon sa mga awtoridad nitong Miyerkules.

Narekober ng rescuers ang katawan ng 78-anyos na si “Luisa,” residente ng Purok 8, bandang 4:32 p.m. noong May 26. Pinaniniwalaang natabunan siya sa kasagsagan ng pagguho sa landfill noong May 20. Dinala ang kanyang labi sa isang local funeral home.

Nauna nang kinilala ng pulisya ang unang nasawi bilang si “Cristel,” 31.

“Search and retrieval operations continue for the remaining missing individual,” ani Police Capt. Hazel Caballero, spokesperson ng Davao City Police Office.

Ayon sa mga awtoridad, naganap ang pagguho bandang 1:15 p.m. noong May 20, nang bumigay ang bundok ng basura dahil sa water buildup mula sa malalakas na ulan. Natabunan ang isang kalapit na bahay.

Kasunod ng insidente, pansamantalang sinuspinde ang operasyon ng Barangay New Carmen Sanitary Landfill simula May 22, alinsunod sa utos ng Department of Environment and Natural Resources-Davao.

Kinumpirma ng Davao City government ang temporary suspension noong Martes. Una itong iniulat matapos ang mass wasting incident na unang nag-iwan ng isang patay, dalawang sugatan, at dalawang nawawala. Sa pinakahuling update, dalawa na ang patay at isa na lang ang hinahanap.

“This morning, May 26, the city filed a Motion for Reconsideration with DENR-11, citing geotechnical assessments conducted at the site and the recommended corrective measures for the existing landfill facility,” ani Davao City Information Office head Harvey Lanticse.

Ayon kay DENR-11 Regional Director Maria Mercedes Dumagan, layunin ng suspension na mabigyan ng panahon ang lungsod na magpatupad ng slope stabilization at iba pang corrective actions. Kailangan aniyang masunod ang Republic Act 9003, o Ecological Solid Waste Management Act, at ang conditions ng Environmental Compliance Certificate ng landfill.

“In the meantime, let us place our trust in their plans and follow their directives to ensure public safety,” ani Dumagan.

Nanawagan din sina Dumagan at Lanticse sa mga residente na mag-segregate ng basura sa bahay para mabawasan ang volume ng basura sa landfill at suportahan ang recycling at recovery efforts.

Patuloy naman ang regular garbage collection ng City Environment and Natural Resources Office.

“Moving forward, the city will utilize its new landfill facility adjacent to the existing site in Barangay New Carmen,” dagdag ni Lanticse.

Samantala, sinabi ng Department of Social Welfare and Development-Davao na 22 pamilyang naapektuhan ng insidente ang na-profile na sa ilalim ng Pag-abot Program para matukoy ang angkop na tulong.

Ayon sa DSWD-11, layunin ng programa na tulungan ang mga pamilya na makabangon at makabalik sa ligtas at maayos na komunidad.

Pansamantalang nananatili ang mga apektadong pamilya sa barangay evacuation gym sa ilalim ng pangangalaga ng City Social Welfare and Development Office.

Patuloy ding ina-assess ng DSWD-11 ang pangangailangan ng mga pamilya para sa posibleng livelihood, financial support, at shelter assistance, alinsunod sa guidelines ng Pag-abot Program. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles