Yellow alert na naman ang Visayas grid ngayong Thursday, May 28, matapos madagdagan ang nawalang kapasidad sa kuryente dahil sa tripping ng Unit 2 ng 103-megawatt coal-fired KEPCO SPC Power Corp. o KSPC.
Ayon sa National Grid Corp. of the Philippines (NGCP), ipatutupad ang yellow alert mula 3 p.m. hanggang 10 p.m.
Nasa 2,532 megawatts ang available capacity ng Visayas grid, habang inaasahang papalo sa 2,388 megawatts ang peak demand. Ibig sabihin, manipis ang reserba ng grid.
Ang yellow alert ay inilalabas kapag hindi sapat ang operating margin para matugunan ang contingency requirement ng transmission grid.
Bukod sa tripping ng KSPC 2, kabilang sa mga dahilan ng yellow alert ang unavailability ng malalaking coal plants sa Visayas, partikular ang Therma Visayas Inc. Units 1 at 2, at Panay Energy Development Corp. Unit 3.
Ayon sa NGCP, 13 power plants ang naka-forced outage mula May 2026, isa mula March 2026, tatlo mula 2025, dalawa mula 2024, dalawa mula 2023, at isa mula 2021.
May 14 power plants din na tumatakbo sa derated capacity, o mas mababa sa normal na output.
Dahil dito, umabot sa 1,006.2 megawatts ang kabuuang unavailable capacity sa Visayas grid.
Sa madaling sabi, mataas ang demand, pero kulang ang kayang ibigay ng ilang planta dahil sa forced outages, derated operations, at biglang pagkawala ng kapasidad mula sa KSPC 2.
Patuloy na binabantayan ang sitwasyon sa Visayas grid habang umiiral ang yellow alert ngayong hapon hanggang gabi. /Bistado


