Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

De Lima: Detention ko noon, huwag gamiting dahilan para payagan ang remote voting sa VP Sara impeachment trial

Iginiit ni Mamamayang Liberal Rep. Leila de Lima na hindi maaaring gamitin bilang precedent ang kanyang dating detention para bigyang-katwiran ang remote participation o remote voting sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Si De Lima, miyembro ng House prosecution panel, ay nanawagan sa Senado na malinaw na paghiwalayin ang kanyang sitwasyon noon, ang mga hindi naaprubahang resolusyon tungkol sa teleconferencing habang siya ay nakakulong, at ang kasalukuyang panukalang payagan ang remote participation o remote voting sa impeachment court.

Ayon kay De Lima, mali ang ginagawa ng ilang grupo na gamitin ang kanyang karanasan para sa comparison na iba ang konteksto.

“How convenient it is for some people to use me or what I went through as an example whenever it serves their purpose or agenda. Kahit fake news, kahit ibang-iba ang totoong nangyari at naging sitwasyon ko noon, ipipilit pa rin para lang umakma sa naratibo nila,” ani De Lima.

Paliwanag ni De Lima, ang mga resolusyong inihain noon ng ilang senador para sa kanya ay limitado lamang sa participation sa Senate committee hearings at plenary deliberations sa pamamagitan ng teleconferencing. Hindi ito tungkol sa remote voting sa impeachment trial.

Giit niya, hindi rin naging precedent ang mga resolusyong iyon dahil hindi naman naaprubahan.

Tinawag din ni De Lima na mali ang claim na tumanggi umano siyang magpaaresto o nagpakanlong sa Senado noong 2017.

“Nung una, ang sinabi, hindi raw ako nagpa-aresto sa Senate premises. Maliwanag na kasinungalingan yan dahil sa Senado ako mapayapang humarap at nagpa-aresto sa mga awtoridad. Hindi ako nagpakanlong sa Senado, hindi ako nagdulot ng gulo, hindi ako tumakas, at lalong hindi ko inilagay sa peligro ang buhay ng maraming tao,” ani De Lima.

Ayon kay De Lima, mahalagang ituwid ang record dahil maaaring lituhin ng maling comparison ang publiko sa usapin ng rules na dapat pairalin sa impeachment trial.

Binanggit din niya na kahit noong nagkaroon ng COVID-19 pandemic at naamyendahan ang rules para payagan ang teleconferencing, hindi pa rin siya pinayagang makilahok.

“Now, they cite the resolutions filed by my fellow Senators during my unjust incarceration to allow me to participate in committee hearings and plenary deliberations via teleconferencing. Those were never approved. Kahit nga may COVID-19 pandemic noon kung kailan na-amend na ang rules to allow teleconferencing, di pa rin ako pinayagan. More importantly, no railroading or shortcuts to amend the Senate rules were resorted to in order to accommodate that request which, I repeat, was never granted. Malinaw yan kaya tigil-tigilan nila ang pagkukumpara,” ani De Lima.

Para kay De Lima, lalong mabigat ang usapin dahil impeachment trial ang nakataya. Aniya, ang impeachment ay constitutional proceeding na may pinakamataas na bigat, kung saan ang mga senador ay uupo bilang judges.

Sinabi ni De Lima na may awtoridad ang Senado na itakda ang sarili nitong rules. Pero dapat aniya itong gamitin nang may malinaw na pagtingin sa konteksto, precedent, due process, at tiwala ng publiko.

“Mahiya at kilabutan naman ang mga nagsasabing magkapareho lang ang pinagdaanan ko sa sinuman na gusto nilang pagbigyan ngayon,” ani De Lima.

Nauna nang nagpahayag ng concern ang House prosecution panel na maaaring makaapekto sa trial ni Duterte ang proposed changes sa Senate rules tungkol sa remote participation o voting. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles