Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

2 patay, 18 nawawala sa Angeles City building collapse

ANGELES CITY, Pampanga – Dalawa na ang patay at 18 pa ang nawawala matapos gumuho ang isang nine-story building na under construction sa Barangay Balibago, Angeles City, habang pumasok sa ikalawang araw ang search and rescue operations nitong Lunes.  

Gumuho ang gusali madaling-araw ng Linggo sa bahagi ng Teodoro Street sa Barangay Balibago. Sa unang ulat, 30 hanggang 40 katao ang pinangangambahang na-trap sa loob, batay sa impormasyon mula sa foreman ng construction site.  

Una ring naiulat na 19 ang ligtas, habang hanggang 40 ang pinangangambahang nawawala. Sa pinakahuling update, umakyat na sa dalawa ang patay at 18 ang missing habang tuloy ang paghahanap sa ilalim ng debris.  

Ayon sa Angeles City Information Office, nakalabas ang foreman kasama ang 10 iba pa at nasa pangangalaga na ng local government. Stable umano ang kanilang kondisyon.

“Sa report pa rin as of 6 a.m. ng ACDRRMO, ’yung foreman ng ginagawang gusali na nag-collapse ay nakalabas kasama ang 10 survivors. Ito ay nasa pangangalaga ng LGU ngayon. Lahat sila ay in stable condition,” ani Angeles City Information Office head Jay Pelayo.  

Mas mabigat ang pangamba sa mga manggagawang posibleng naiwan sa gumuhong site.

“Ang pinangangambahan lang natin ngayon ay ’yung report ng foreman, na mayroon pang 30 to 40 na na-trap sa ginagawang gusali,” sabi ni Pelayo.  

Tinamaan din ng collapse ang kalapit na hotel. Sa mga ulat, isang Malaysian tourist ang kabilang sa mga nasawi matapos maapektuhan ang katabing lodging area.  

Patuloy ang rescue operations gamit ang rescue dogs, heartbeat detection devices, at heavy equipment. Sa isang update, may dalawang na-trap na buhay at nakikipag-ugnayan pa sa rescuers habang pilit silang inilalabas sa debris.  

“They are in constant communication. We are awaiting more details, but our rescuers are doing their best to pull the survivors out of the rubble,” ani Pelayo.  

Nagtungo rin sa lugar si Police Regional Office 3 (PRO3) Director Brig. Gen. Jess Mendez matapos ang ulat ng pagbagsak ng nine-story building under construction sa corner ng Oak Street at Teodoro Street sa Barangay Balibago. Inatasan niya ang deployment ng PRO3 personnel para i-secure ang area, ayusin ang traffic, at makipag-coordinate sa Bureau of Fire Protection, City Disaster Risk Reduction and Management Office, at iba pang responding agencies.

Patuloy pang iniimbestigahan ang sanhi ng pagbagsak. Tinitingnan din ng mga awtoridad ang construction history ng gusali habang nagpapatuloy ang rescue and recovery operations.

Samantala, nanawagan naman ang Kilusang Mayo Uno (KMU) para sa mas mahigpit na pagtingin sa kaligtasan ng mga manggagawa sa construction sites.

“Mariing kinukundena ng Kilusang Mayo Uno ang patuloy na pagpapabaya ng rehimeng Marcos sa karapatan ng mga manggagawa sa ligtas na lugar-paggawa. Hindi simpleng ‘aksidente’ ang ganitong trahedya kundi resulta ng kawalan ng sapat na safety measures, mahinang pagpapatupad ng occupational safety and health standards, at prayoridad sa tubo kaysa buhay ng manggagawa,” ayon sa grupo.

“Kagyat na dapat ibuhos ang lahat ng kinakailangang rekurso para sa search and rescue ng mga manggagawa at iba pang biktima ng trahedyang ito. Dapat ding agad na magsagawa ng masusing imbestigasyon upang matukoy at mapanagot ang contractor, developer, at mga opisyal ng gubyerno na nagpabaya sa pagpapatupad ng mga pamantayan sa kaligtasan ng mga manggagawa,” dagdag ng KMU. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles