Handa na ang Department of Agriculture (DA) na ipatupad ang executive order (EO) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagtatakda ng price ceiling sa imported rice, habang tumitindi ang pressure sa presyo ng pagkain dahil sa sigalot sa Middle East.
Sa ilalim ng Executive Order No. 118, itinakda ang P50 kada kilo na price cap para sa 5% broken imported rice sa loob ng 30 araw. Layunin nito, ayon sa kautusan, “upang tugunan ang hindi makatarungang pagtaas ng presyo, maiwasan ang pang-aabuso sa merkado, at matiyak ang sapat na suplay ng abot-kayang bigas habang pinananatili ang katatagan ng merkado.”
Agad na magkakabisa ang EO kapag nailathala na sa Official Gazette o sa isang pahayagang may malawak na sirkulasyon.
“Ipapatupad natin ito agad sa oras na magkabisa upang matulungan ang publiko na makayanan ang pagtaas ng presyo ng pagkain,” ani Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr.
Sinabi rin ni Tiu Laurel na may kapangyarihan ang DA sa ilalim ng Price Act at Anti-Agricultural Economic Sabotage law para habulin ang hoarders, profiteers, cartels, at iba pang nagmamanipula sa merkado.
Mabilis na umakyat ang inflation matapos sumirit ang presyo ng langis kasunod ng pagsiklab ng sigalot sa Middle East noong February 28. Mula 2.4 percent noong February, tumaas ang inflation sa 4.1 percent noong March at umabot sa 7.2 percent noong April. Noong April ng nakaraang taon, nasa 1.4 percent lamang ito.
Mas ramdam din ang tama sa pagkain. Umakyat sa 6.1 percent ang food inflation noong April mula 2.7 percent noong March, na nagpapakita ng dagdag na bigat sa budget ng mga pamilya.
Bigas ang isa sa pinaka-sensitibong bilihin sa bansa dahil bumubuo ito ng humigit-kumulang 9 percent ng consumer basket na ginagamit sa pagsukat ng inflation. Para sa pinakamahihirap na 30 percent ng Filipino families, halos one-fifth ng kanilang gastos ay napupunta sa bigas.
Ayon sa DA, katuwang ng temporary price cap ang iba pang hakbang ng gobyerno para mapababa ang inflation at mapatatag ang presyo ng pagkain. Kabilang dito ang P20 rice program at maximum suggested retail price mechanism para sa imported rice.
Sinabi ni Tiu Laurel na rerepasuhin ng National Price Coordinating Council ang price ceiling sa loob ng dalawang linggo matapos itong ipatupad. Maaari itong magrekomenda ng adjustments, extension, o pagtanggal ng cap depende sa galaw ng merkado.
Ayon sa DA, ang price cap ay temporary at kalkuladong tugon habang itinutuloy ng gobyerno ang pagpapalakas ng local rice production at paghahabol sa mapagsamantalang pagpepresyo. /Bistado


