Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Chua: House plenary tutok sa VP Sara impeachment sa Lunes, Senate transmittal posibleng this week

Halos buong plenary session ng House of Representatives sa Monday ay ilalaan sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte, ayon kay Manila Rep. Joel Chua.

Sinabi ni Chua, chair ng House Committee on Good Government and Public Accountability at miyembro ng House Committee on Justice, na inaasahang magkakaroon ng botohan matapos ang sponsorship at interpellation sa committee report at Articles of Impeachment.

“Sa Lunes, isa lang ang magiging agenda ng House, ang impeachment. Pagbukas ng session, ito ang tatalakayin sa floor. Bibigyan ng pagkakataon na magtanong ang mga miyembro ng Kamara, at kapag natapos iyon, bubuksan na ang botohan,” ani Chua sa dzMM.

Nauna nang nakahanap ng probable cause ang House Committee on Justice sa dalawang impeachment complaints sa botong 53-0. Inaprubahan din nito ang committee report at attached Articles of Impeachment, dahilan para umusad ang kaso sa plenaryo.

Ayon kay Chua, si House Justice Committee chair Atty. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ng Batangas ang magsu-sponsor at magdedepensa ng committee report sa plenaryo. Susundan ito ng interpellation bago ang botohan.

Sa ilalim ng 1987 Constitution, kailangan ng hindi bababa sa 106 votes, o one-third ng 318-member House, para maipadala ang Articles of Impeachment sa Senate para sa trial. Ayon kay Chua, lampas na sa threshold ang suporta.

“Kung conservative ang bilang, may 200 na mambabatas na nakakausap tayo na nag-signify ng kanilang support. Sa tingin ko mas marami pa riyan, pero doon muna tayo sa conservative number,” sabi niya.

Dumami umano ang suporta matapos ang mga huling hearing, lalo na nang matalakay ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth issues at Anti-Money Laundering Council records.

“Marami ang nagbago noong pangalawang hearing, lalo na nang nabuksan ang SALN at AMLC report at wala namang naging sagot o tugon ang panig ng respondent na Vice President. Nang nakita ang mga numero, marami ang nagbago ng pasya,” ani Chua.

“In fact, sila rin ang nagsasabi na maski sa ground, sa kanilang constituents, ang dating ihip ng hangin noong unang impeachment ay iba na ngayon,” dagdag niya.

Apat ang Articles of Impeachment. Article I ang alleged systematic misuse, misappropriation, at irregular liquidation ng P612.5 million confidential funds sa Office of the Vice President at Department of Education. Article II ang alleged unexplained wealth, SALN discrepancies, at P6.77 billion in covered and suspicious transactions sa AMLC records na kinasasangkutan umano ni Duterte at kanyang asawa.

Article III ang alleged bribery at cash payments sa Department of Education officials. Article IV ang alleged assassination plot, grave threats, at inciting to sedition.

Giit ni Chua, higit pa sa probable cause ang lumitaw sa ebidensyang nailatag, habang walang counter-evidence na naisumite ang kampo ng respondent sa committee.

“Ang walang ebidensiyang naipakita ay sila, dahil kahit minsan ay hindi sila um-attend. Pero insofar as the complainant is concerned, more than probable cause ang lumalabas sa mga ebidensiyang nailatag,” sabi niya.

Sinabi rin ni Chua na sinunod ng House ang fairness at due process.

“Binigyan natin siya ng notice. Ilang beses siyang binigyan ng pagkakataong dumalo sa ating pagdinig, pero ni minsan ay hindi siya dumating. Bagkus, limited lamang kami sa mga clarificatory questions. Kaya nakikita natin na ito ay very fair,” ani Chua.

Nilinaw niya na tanging ebidensyang pormal na naisumite at nasa record ang maaaring gamitin ng committee.

“Hindi kami puwedeng gumamit ng ebidensiyang sinasabi lamang nila sa media at hindi nila isinasama sa committee, dahil hindi ito on record. So kung ano man ang kanilang sinasabing ebidensiya, baliwala iyon unless and until isumite nila ito sa committee,” sabi niya.

Kapag bumoto ang House para i-impeach si Duterte, sinabi ni Chua na mabilis na susunod ang transmittal sa Senate.

“Hindi ko man masabi na ura-urada, but anytime within that week, sigurado mata-transmit iyan,” ani Chua.

Posible rin umanong bumoto ang House sa prosecution panel sa Martes o Miyerkules. Kabilang sa mga posibleng pangalan sina Luistro, Chel Diokno, Leila de Lima, Rodge Gutierrez, Keith Flores, at Bel Zamora.

Iginiit din ni Chua na kahit mag-resign ang Vice President, hindi dapat awtomatikong matigil ang Senate proceedings dahil dalawa ang prayer sa Articles.

“Dalawa ang prayer sa Articles of Impeachment, removal at perpetual disqualification. Kung mag-resign siya habang dinidinig ito sa Senado, naniniwala ako na dapat ituloy pa rin, dahil iyong isang prayer ay kailangan pa ring masagot at mapagdesisyunan,” sabi niya.

Para kay Chua, mandatory ang pag-usad ng kaso kapag naakyat na ito sa Senate.

“Once ito ay napagbotohan sa Kongreso at inakyat sa Senado, wala silang option kundi ituloy. Ang ginamit na salita sa Saligang Batas ay shall. Ibig sabihin, mandatory ito. Hindi ito optional para sa kanila,” ani Chua. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles