Naglaan ang Department of Agriculture (DA) ng P55 million para palakasin ang food safety monitoring ng Bureau of Plant Industry (BPI) sa buong bansa, partikular sa pagtukoy ng nitrate at nitrate contaminants sa plant-based food.
Layunin ng programa na gawing mas data-driven ang pagbabantay sa mga ani at makabuo ng baseline evidence para sa posibleng national standards sa hinaharap.
Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na bahagi ito ng mas malawak na pagsisikap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang food safety at palawakin ang export potential ng Philippine agriculture.
“Ito ay bahagi ng ating nagpapatuloy na pagsisikap upang masiguro ang seguridad sa pagkain, protektahan ang kalusugan ng publiko habang inihahanda ang ating kapasidad na mapalawak ang access sa Philippine plant products sa mga pamilihan sa ibang bansa,” anang kalihim.
Sa ilalim ng programa, inilunsad ng BPI ang nitrate-testing capability sa limang laboratoryo sa Quezon City, Cebu, Baguio, Davao, at Cagayan de Oro.
Ang mga pasilidad ay pinapatakbo ng Plant Products Safety Services Division. Kaya na nitong sumuri ng contaminants na karaniwang nakikita sa mga gulay, lalo na sa mga berdeng dahon na maaaring makaipon ng mataas na antas ng nitrate.
Nakumpleto na ang initial recovery tests. Patuloy naman ang validation para matiyak na tama at pare-pareho ang resulta ng pagsusuri.
Dahil wala pang lokal na regulatory standards para sa nitrate monitoring sa plant-based food, ginagamit muna ng mga awtoridad ang European Union standards bilang interim reference points.
Hindi lang laboratory upgrades ang sakop ng pondo. Kasama rin dito ang ion chromatograph equipment, specialized chemicals, at technical training para sa personnel.
Kapag operational na ang sistema, susuportahan nito ang monitoring ng high-risk crops sa buong bansa, kabilang ang mga gulay at prutas. Makakatulong din ito sa regulators na mas sistematikong bantayan ang contamination levels.
Para sa agriculture sector, maaaring makatulong ang programa sa pagpapataas ng consumer confidence at sa paghahanda ng exporters sa mas mahigpit na global standards. Kasabay nito, maaari ring tumaas ang compliance requirements para sa producers na sasailalim sa mas mahigpit na testing protocols. /Bistado


