Dumating na sa Italy si Filipino tennis sensation Alex Eala noong Linggo upang maghanda para sa Internazionali BNL d’Italia (Italian Open) na nakatakda Mayo 5 hanggang 17 sa Foro Italico complex.
Ang Italian Open ang isa sa warmup tournament ni Eala para sa Grandslam event na French Open na mag-uumpisa sa Mayo 18 sa Paris.
Unang makakaharap ni world No. 42 Eala sa Martes o Myerkules si Magdalena French ng Poland, na world No. 45 naman.
Sa 2025 Italian Open, natalo si Eala kay Marta Kostyuk ng Ukraine sa first round pa lang, 6-0, 6-1.
Umabot naman sila ni Coco Gauff ng Amerika sa doubles quarterfinals.
Hindi pinalad ang 20-anyos na si Eala sa mga huling tournament nya ngayong taon.
Natalo sa second round ng Madrid Open sa Spain kay Elise Mertens ng Belgium; sa second round din ng Linz Open sa Austria kay Jelena Ostapenko ng Latvia; sa fourth round ng Miami Open sa Amerika kay Karolina Muchova ng Czech Republic; at sa fourth round din ng BNP Paribas Open sa Amerika kay Linda Noskova ng Czech Republic.
Matapos ang Madrid Open, bumalik si Eala sa Rafa Nadal Academy sa Mallorca, kung saan nahubog ang kanyang laro.
Nagpahinga sandali at nag-training si Eala kasama ang mga coach na sina Joan Bosch, Lluc Bauza at Sandro Viaene
Matatandaan na matapos ang Dubai Duty Free Tennis Championships sa United Arab Emirates noong Pebrero kung saan umabot sya sa quarterfinals at ang dalawang laban sa Amerika noong Marso, narating ni Eala ang career-best world ranking na No. 29.


