Hindi na nga naitago pa ni Vice Ganda ang kanyang saloobin hinggil sa kagustuhan at pangarap niyang makumbinsi si dating VP Leni Robredo na muling lumahok sa 2028 elections.
“Siya lang talaga ang nararamdaman kong may magandang puso sa paglilingkod. Sana talaga ay i-reconsider niya,” pakli ni Vice sa usaping nag-anunsyo na nga ng hindi pagtakbo sa mas mataas na posisyon ang ngayo’y Naga City Mayor na si Robredo.
“This country has still good people na deserve natin. Mga totoong may malasakit sa mga usapin ng bayan at may tapat na paglilingkod. There is still hope kung paiiralin natin ang matalino at mapusong pagpili,” hirit pa ng kilalang aktor-host.
Nakilala si Vice bilang isa sa mga celebrities na may mulat na kaisipan at damdamin para sa mga isyu ng lipunan. Madalas pa nga ay naba-bash siya sa kanyang pagiging very honest at opinionated sa mga bagay-bagay sa gobyerno.
Marami din ang humihimok kay Vice na pasukin na rin ang public service dahil ang mga kagaya daw niya ang may maitutulong sa bayan. Subalit mariin din itong tinatanggihan ng sikat na komedyante dahil aniya, “hindi ako para sa politics. Cliche mang sabihin, pero maraming paraan para magsilbi at tumulong at siguro naman ay nagagawa ko yun”
Samantala, bukod kay Vice ay very vocal din si megastar Sharon Cuneta sa pagsasabing mas pinapaboran niya ang dating VP na si Leni kesa sa kasalukuyang VP ngayong si Sara Duterte para sa 2028.
Gaya ni Vice ay nagbitaw din ng salita si mega na isa siya sa mangungumbinsi at mangungulit kay Leni na i-reconsider ang plano nitong huwag lumahok sa 2028 national elections.
Matatandaang minsan na ding na-bash ng todo si Sharon ng mga tinatawag na DDS o supporters ng pamilya Duterte nang isapubliko nitong nagsisisi siya na nagkamali umano sila ng ikinampanya at sinuportahang Vice President noon.
Hindi man niya ito pinangalanan ay obvious na si VP Sara daw ang tinutukoy nito lalo’t openly ay inamin nitong ‘friends” sila ni Sara bilang iniidolo siya nito as singer and actress.


