Abangan sa Hulyo ang posibleng desisyon sa mga petisyong humihiling na gawing P1,200 ang arawang minimum wage sa Metro Manila, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Sinabi ni DOLE spokesperson at Assistant Secretary Lennard Serrano na umabot na sa 16 ang petisyon ang natanggap ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) National Capital Region (NCR) para sa umento sa sahod.
Pinakahuli rito ang petisyon ng Business Process Outsourcing Industry Employees Network Philippines (BIEN Philippines), na inihain noong Miyerkules. Binanggit ng grupo ang pagtaas ng presyo ng langis, patuloy na pagtaas ng bilihin, pagbaba ng purchasing power ng piso, at deklarasyon ng national energy emergency bilang mga dahilan para sa agarang umento.
“Let’s see how they will treat the petition. It is included in the study for the July 18 new issuance and how they will treat it as urgent and reasonable grounds in addressing the petition,” ani Serrano.
Ayon sa DOLE, may kapangyarihan ang RTWPB na magrepaso ng mga petisyon at maglabas ng wage order o desisyon sa minimum wage adjustments. May sinusunod ding 12-buwang wage cycle, kaya ang susunod na posibleng wage order sa NCR ay inaasahang mailabas sa Hulyo 18.
“Ang NCR’s anniversary [of wage order issuance] is July 18; a new wage order may be issued by then,” dagdag ni Serrano.
Sa kasalukuyan, nasa P695 kada araw ang minimum wage sa non-agricultural sector sa NCR matapos ang P50 dagdag-sahod noong nakaraang taon. Bago ang nasabing umento, nasa P645 kada araw ang sahod sa sektor na ito.
Kasabay nito, sinabi ng DOLE nitong Labor Day na umabot na sa P125 ang kabuuang dagdag sa arawang minimum wage ng private sector workers sa NCR mula 2023 hanggang 2025 sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon din sa DOLE, inaasahang magsisimula ang susunod na wage review cycle ngayong Mayo 2026, o sa loob ng 60 araw bago ang anibersaryo ng pinakahuling NCR wage order.
Hindi lang Metro Manila ang may nakabinbing usapin sa sahod. Ayon sa DOLE, nasa P80 hanggang P140 ang naging dagdag sa arawang minimum wage sa ibang rehiyon. May 16 wage orders para sa private sector workers sa buong bansa sa 2025 hanggang 2026 cycle, na nakinabang sa 4.69 milyong minimum wage earners.
Ngayong Mayo 1, tumanggap din ng karagdagang sahod ang mga manggagawa sa Northern Mindanao at Caraga dahil sa second tranche increases.
Sa Northern Mindanao, ang dagdag na P14 ay nag-akyat ng daily minimum wage sa P485 hanggang P500. Nauna nang ipinatupad noong Enero 16 ang first tranche na P25, na nagtaas ng sahod sa P471 hanggang P486.
Sa Caraga, ang second tranche increase na P20 ay nagtaas ng daily minimum wage sa P475. Nauna ring ipinatupad noong Enero 3 ang first tranche na P20, na nagtakda ng sahod sa P455.
Susunod naman ang second tranche increases sa Eastern Visayas at Zamboanga Peninsula sa Hunyo 1, na nagkakahalaga ng P18 at P25. Nakatakda ring ipatupad ng Bicol at Davao ang kanilang second tranche adjustments ngayong taon. /Bistado


