Tatlong set lang ang kinailangan ng University of Santo Tomas (UST) Golden Tigresses para sibakin ang Adamson Lady Falcons, 25-16, 25-18, 25-19, sa stepladder Final Four ng UAAP Season 88 women’s volleyball nitong Miyerkules.
Isang araw matapos ang 415th founding anniversary ng pinakamatandang unibersidad sa Asya, sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City naman nagbunyi ang mga Tomasino.
Umiskor si Angge Poyos ng 17 puntos na may kasamang walong excellent digs at pitong excellent receptions.
Si team captain at libero Detdet Pepito ang tinanghal na Player of the Game matapos ang 16 excellent digs at syam na excellent receptions.
Pinangunahan muli ni Shaina Nitura ang Adamson sa pamamagitan ng 13 puntos, 11 excellent receptions at pitong digs.
Si Nitura ang tatanghalin na women’s Most Valuable Player (MVP) ng Season 88.
Si Josh Ybañez ng UST ang makakakuha ng award sa men’s division. Sya rin ang MVP noong Season 85 at 86 bago tinamaan ng mga injury noong Season 87.
Sa Sabado simula 3 p.m. gaganapin ang “Battle of Sampaloc” sa paghaharap ng UST at defending champion National University (NU) sa Big Dome pa rin.
Naghihintay na sa best-of-three finals series ang De La Salle University, na hindi natalo sa 14 na laro sa elimination round.
“Grabe ‘yung effort nila .. mas inaral lang kung ano yung tamang galaw, mas nagkaroon ng communication,” ani UST coach Shaq Delos Santos.
Sa men’s finals, magtutunggali sa ikalawang sunod na season ang Far Eastern University (FEU) at defending champion NU.
Tinalo ng top seed FEU Tamaraws ang Ateneo de Manila University Blue Eagles, 25-23, 20-25, 16-25, 25-17, 15-12.
Ang No. 2 NU naman ay tinapos agad ang paghahangad ng UST, 25-21, 30-28, 25-19.


