Nanawagan ng imbestigasyon si Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda Leviste matapos umano’y hindi pagsama sa 84 barangay sa pamamahagi ng tig-P200,000 ayuda sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Batangas City.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Leviste na naghain na siya ng resolusyon para silipin ang umano’y problema sa distribusyon ng pondo.
“Nakapag-file na ako ng resolusyon para imbestigahan ang diskriminasyon sa budget, at handa akong humarap sa anumang pagdinig kasama si Gov. Vilma at ang mga kapitan ng Batangas para lumabas ang katotohanan,” ani Leviste.
Ayon sa mambabatas, hindi naisama ang 84 barangay sa programang “Bawat Barangay Makikinabang,” kahit malinaw umano ang direktiba na lahat ay dapat makatanggap.
“Hindi ito pera ng politiko. Para ito sa tao,” diin niya, sabay babala na nasisira ang tiwala ng publiko kapag may napag-iiwanan sa ayuda.
Sinabi rin ni Leviste na posibleng hindi ito alam ng Pangulo, ngunit siya ang naaapektuhan kapag hindi naipapatupad ang programa.
Matapos lumabas ang isyu, iniulat na mabibigyan na rin ng ayuda ang mga barangay na unang hindi naisama. Gayunman, iginiit ng mambabatas na kailangan pa ring alamin ang dahilan ng nangyari.
“Dapat malinaw kung bakit sila hindi isinama,” aniya.
Sa kanyang resolusyon, binanggit din ang umano’y pagpasok ng mga middleman na nag-aalok ng pondo kapalit ng komisyon na umaabot sa 25 porsiyento, na aniya ay dapat imbestigahan.
Sa gitna ng usapin, iginiit ni Leviste ang pangangailangan ng mas maayos at direktang sistema ng pamamahagi ng tulong para maiwasan ang aberya at matiyak na lahat ng barangay ay nakikinabang.
Wala pang opisyal na pahayag ang Malacañang kaugnay ng isyu. /Bistado


