Nanawagan ang Malacañang sa mga local government unit (LGU) na alisin ang bottlenecks sa biyahe ng food trucks para mapababa ang presyo ng pagkain sa gitna ng mataas na gastos sa krudo dulot ng krisis sa Middle East.
Sa pahayag nitong Martes, hinimok ni Executive Secretary Ralph Recto ang agarang accreditation ng mga magsasaka at trader para makinabang sa toll at port fee waivers na iniutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“This begins with the speedy accreditation of farmers and traders who are qualified for the toll fee waiver,” ani Recto.
Simula Abril 20, ipinatupad ang isang buwang toll holiday para sa food trucks, kasama ang exemption sa truck bans sa Metro Manila at pagsuspinde ng delivery fees ng LGUs para mapagaan ang logistics cost.
Nagbabala rin si Recto laban sa hindi kinakailangang paghinto ng food trucks sa checkpoints.
“Unnecessary and unreasonable stopping and inspection of food trucks by police and LGU checkpoints should also stop because it delays travel and wastes fuel,” aniya.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng mabilis na delivery lalo na sa panahon ng anihan.
“The challenge is to reduce the time and the cost a produce lands in the market,” ani Recto.
Sa ilalim ng Food Lane Program ng Department of Agriculture, may 1,162 accredited trucks na kayang maghatid ng hanggang 7 milyong kilo ng pagkain araw-araw sa mga pangunahing pamilihan.
Hinimok din ang mas maraming truckers na magpa-accredit para mapalawak ang saklaw ng programa.
Samantala, ibinaba ng Philippine Ports Authority ang roll-on, roll-off terminal fees para sa agricultural cargo vehicles sa P1 mula sa dating hanggang P516. Binawasan din ng Maritime Industry Authority ang regulatory fees ng hanggang 75 porsyento para suportahan ang inter-island transport.
Ayon kay Recto, ang logistics cost ay nagdadagdag ng tinatayang P5 hanggang P7 kada kilo sa presyo ng pagkain. Kung 3,000 trucks ang makikinabang sa toll waivers, aabot sa P150 milyon hanggang P165 milyon kada buwan ang matitipid.
“Inter-island ang biyahe ng pagkain. Kaya lahat ng nasa supply chain… dapat matulungan,” ani Recto. /Bistado


