Pinatawag ng Land Transportation Office (LTO) ang isang vlogger, driver, at rehistradong may-ari ng isang sports utility vehicle na sangkot sa viral prank kung saan hinabol ng isang gas station attendant ang sasakyan matapos umano itong umalis nang hindi nagbabayad.
Sa video, maririnig ang vlogger na tumatawa at inuutusan ang driver na umalis mula sa gasolinahan habang hinahabol sila ng attendant.
Ayon sa LTO, naglabas na ng show cause order laban sa tatlong indibidwal kaugnay ng insidente sa Maharlika Highway sa Allacapan, Cagayan.
Inatasan din ang driver na isuko ang kanyang lisensya, na pansamantalang sinuspinde ng 90 araw, habang inilagay sa alarm ang sasakyan habang iniimbestigahan ang kaso.
“Ang indibidwal na nag-record ng video ay sakay ng sasakyan sa oras ng insidente at umano’y nag-utos o hinayaan ang driver na ipagpatuloy ang pagmamaneho habang hinahabol ng attendant ang sasakyan sa ilalim ng matinding init at sikat ng araw,” ayon kay LTO chief Assistant Secretary Markus Lacanilao.
Pinagpapaliwanag ng LTO ang mga sangkot kung bakit hindi sila dapat managot sa reckless driving at pagiging hindi karapat-dapat magmaneho.
Ayon sa ahensya, ang mga paglabag na ito ay may parusang suspensyon ng lisensya mula tatlong buwan hanggang isang taon, o pagbawi nito mula dalawang taon hanggang permanente.
“Hindi katanggap-tanggap na gawing biro o content ang isang sitwasyong malinaw na naglalagay sa kapwa sa panganib. Lalo na sa panahong nararanasan natin ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis, ang ganitong uri ng asal ay hindi lamang iresponsable kundi nagpapakita rin ng kawalan ng malasakit,” ani Lacanilao.
“Hindi ito nakakatuwa at lalong hindi ito dapat tularan. Ang paggamit ng sasakyan ay may kaakibat na pananagutan at pananagutan din gamitin ito ng may paggalang sa kapwa at sa batas,” dagdag niya.
Ang video ay unang nai-post ngunit kalaunan ay tinanggal sa Facebook page na HF Florida, na pag-aari ng dating alkalde ng Allacapan na si Harry Florida. /Bistado


