Karamihan ng overseas Filipino workers (OFWs) na napauwi ng pamahalaan ay dahil sa kaguluhan sa Middle East, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Sa isang press briefing, sinabi ni OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan na batay sa tala ng OWWA at Department of Migrant Workers, umabot na sa 6,532 OFWs at kanilang dependents ang na-repatriate.
Sa bilang na ito, 3,258 o halos 50 porsyento ang sinagot ng OWWA.
“Ano ang rason for their repatriation? Meron 2,712 or 67 percent na umuwi dahil sa nangyaring kaguluhan, 457 or 12 percent dahil sa contract termination, so nawalan sila ng trabaho, na-terminate ang kontrata nila, 206 ay medical reasons,” ani Caunan.
Ayon pa sa kay Caunan, batay sa assessment kasama ang Department of Health at Department of Social Welfare and Development, karamihan sa mga OFW ay nakaranas ng trauma mula sa kanilang pinagdaanan.
Sinabi ng OWWA na ang tulong ay hindi lang sa pagpapauwi kundi kasama ang temporary accommodation at domestic flight tickets para makabalik sa mga probinsya.
Nagbibigay rin ang ahensya ng on-site, repatriation at post-repatriation assistance sa ilalim ng Emergency Repatriation Fund (ERF).
“The ERF, we have already utilized 55 percent of the allocation for this year,” ani Caunan.
Kasabay ng pagdami ng returnees, pinalalakas ng OWWA ang reintegration programs para sa mga OFW.
“Balik Pinas, Balik Hanapbuhay ay isa sa flagship programs ng OWWA para sa kanilang mga miyembro,” ani Caunan. Ayon sa ahensya, saklaw ng tulong ang employment, training, at business development para suportahan ang pagbabalik ng mga OFW sa bansa. /Bistado


