APAYAO — Pansamantalang ipinasara ang Mt. Sicapoo sa Calanasan matapos sumiklab ang forest fire sa ilang bahagi ng trail nito, ayon sa anunsyo ng lokal na pamahalaan nitong Lunes, Abril 20.
Sa inilabas na public advisory, sinabi ng munisipalidad na suspendido ang lahat ng tourism-related activities sa Mt. Sicapoo sa Butao, Calanasan simula Abril 21 hanggang sa susunod na abiso.
Ayon sa advisory, ang hakbang ay bunsod ng patuloy na forest fire na umaabot sa iba’t ibang bahagi ng hiking trail, na nagdudulot ng panganib sa mga aakyat at sa kalikasan sa paligid.
“This is to inform the public that all tourism-related activities at Mt. Sicapoo in Butao, Calanasan, Apayao are hereby suspended effective April 21, 2026, until further notice,” ayon sa advisory ng lokal na pamahalaan.
Idinagdag pa na ang pansamantalang pagsasara ay para maiwasan ang anumang aksidente habang hindi pa naaapula ang apoy sa lugar.
“The temporary closure of this tourism and hiking site is due to ongoing forest fire in the various areas along the trail, which poses risks to the safety of hikers and the surrounding environment,” ayon pa sa advisory.
Isa ang Mt. Sicapoo sa kilalang hiking destination sa hilagang Luzon, na dinadayo ng mga mountaineer dahil sa taas at hamon ng trail nito. Ngunit sa kasalukuyan, binigyang-diin ng mga awtoridad na kaligtasan ang dapat unahin habang may banta ang sunog sa kagubatan.
Nagpaalala rin ang lokal na pamahalaan sa publiko na ipagpaliban muna ang pag-akyat at iba pang aktibidad sa lugar habang nagpapatuloy ang clearing at monitoring operations sa apektadong bahagi ng bundok.
Wala pang inilalabas na eksaktong petsa kung kailan muling bubuksan ang Mt. Sicapoo, at mananatiling sarado ito hangga’t hindi tuluyang naaapula ang sunog at nasisiguro ang kaligtasan ng mga bibisita. /Bistado


