Anim na indibidwal ang naaresto ng Philippine National Police (PNP) sa magkakahiwalay na entrapment operations matapos umano’y mag-alok ng hindi awtorisadong dental services online.
Ayon sa PNP, isinagawa ang mga operasyon sa Ormoc City, Catanduanes, Iloilo City, at Zamboanga City bilang bahagi ng kampanya laban sa mapanlinlang na cyber-enabled practices at para maprotektahan ang kalusugan ng publiko.
Sa Ormoc City, Leyte, tatlong suspek na kinilala sa alyas na “Debbie,” 36; “Sara,” 24; at “Jamal,” 32 ang naaresto sa mga operasyon noong Abril 7 at Abril 11.
Sa Catanduanes, nadakip ang 35-anyos na lalaki na may alyas na “Leo” sa Virac noong Abril 7. Sa Iloilo City, isang 21-anyos na babae na may alyas na “Lourdes” ang naaresto sa Jaro noong Abril 10. Sa Zamboanga City, nahuli rin ang 22-anyos na lalaki na may alyas na “Godoy” noong Abril 10.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 33(a) ng Republic Act 9484 o Philippine Dental Act of 2007, kaugnay ng Section 6 ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., bahagi ang operasyon ng pinaigting na pagpapatupad ng PNP Focused Agenda, partikular ang Enhanced Managing Police Operations.
“We are continuously warning the public against online individuals who offer services beyond their professional authority. Ang layunin natin ay protektahan ang ating mga kababayan mula sa anumang uri ng panlilinlang, lalo na sa mga serbisyong may kinalaman sa kalusugan,” ani Nartatez.
“Ang kapulisan ay patuloy na nakaantabay, ngunit mahalaga ang pagiging mapanuri at ang agarang pag-uulat ng kahina-hinalang aktibidad online,” dagdag niya. /Bistado


