Walang naitalang pinsala sa BRP Sierra Madre (LS-57) at sa mga tauhan nito sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea, ayon sa Philippine Navy, sa kabila ng ulat hinggil sa umano’y paggamit ng cyanide sa paligid ng barko.
Ayon kay Roy Vincent Trinidad, tagapagsalita ng Navy para sa West Philippine Sea, “So far, we have no report of any damage to the ship or the men.”
Gayunman, sinabi niyang may naitalang pinsala sa kapaligiran. “What has been reported… is the irreparable damage to the reef,” aniya, batay sa mga larawan at video mula sa lugar.
Ipinaliwanag ni Trinidad na mapanganib ang cyanide at may posibleng epekto sa kalusugan ng mga sundalo kung patuloy itong gagamitin sa lugar.
“It could put the lives of the men aboard the ship at risk… their water supply, which they get from the ocean, desalinate it, could be contaminated,” aniya.
Itinanggi rin niya ang paratang na gawa-gawa lamang ang pagkakadiskubre ng cyanide sa mga nasamsam na bote mula sa mga Chinese sampan malapit sa barko.
“We do not fabricate news… all of our actions are based on scientific evidence,” ani Trinidad, sabay paliwanag na inabot ng mahigit isang taon ang pagsusuri sa likido bago makumpirma na ito ay cyanide.
Ayon sa National Security Council, nasamsam ang mga dilaw na bote mula sa mga Chinese sampan noong Pebrero 2025 at Oktubre 24, 2025.
Kinumpirma rin ng National Bureau of Investigation na ang pagsusuri ng kanilang Forensic and Scientific Research Service ay “conclusively established” na ang laman ng mga bote ay cyanide.
Dagdag pa ni Trinidad, malawak ang pinsala sa coral reef sa paligid ng barko, batay sa mga obserbasyon sa lugar. /Bistado


