Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Krisis sa pagkain, pinangangambahang sumiklab bunsod ng oil crisis

Unti-unti nang nararamdaman sa bukid, palengke, at dagat ang epekto ng krisis sa langis, at babala ng mga eksperto, posibleng sumabog ito sa isang “unprecedented food crisis” sa mga susunod na buwan.

Sa isang consultative forum ng grupong Negosyo Advocates sa Club Filipino nitong Biyernes, sinabi ni Philippine Chamber of Agriculture and Food, Inc. President Danilo Fausto na nagkakaroon na ng seryosong pagkagambala sa agricultural value chain dulot ng oil crisis. 

Ayon sa kanya, halos kalahati ng truckers na nagseserbisyo sa Luzon ay tumigil na sa biyahe dahil sa mahal ng diesel, lalo na sa ruta paakyat ng Benguet kung saan kinukuha ang gulay para sa Metro Manila.

Sa Benguet mismo, naiipon ang mga ani dahil kulang ang bumibili at bumibiyahe. Ayon sa Department of Agriculture, tumaas nang doble hanggang triple ang gastos sa transportasyon ng gulay mula bukid hanggang pamilihan . Mula sa dating P15,000 kada biyahe, umaabot na ito sa P35,000 o higit pa .

Dahil dito, bumabagsak ang presyo ng ani. Sa mga trading post sa La Trinidad, ang repolyo ay bumaba sa P7 kada kilo, habang ang ibang gulay ay ibinebenta na rin sa mababang halaga kahit palugi. Sa ilang kaso, pinipili na lang ng mga magsasaka na pabayaan ang ani na mabulok kaysa ibenta nang lugi.

Dagdag ni Fausto, pati presyo ng fertilizer ay tinatamaan na rin ng oil crisis. Kung magpapatuloy ito, posibleng umatras ang maraming magsasaka sa susunod na planting season dahil hindi na kayang tustusan ang farm inputs.

Pinapalala pa ang sitwasyon ng pandaigdigang problema sa supply ng fertilizer. Dahil sa tensyon sa Middle East at pagkaantala ng daloy sa Strait of Hormuz, naapektuhan ang produksyon at distribusyon ng fertilizer. Ayon sa mga global data firm, nabawasan nang hanggang 33 porsyento ang supply chain ng fertilizer, habang ang presyo ng urea ay tumaas nang halos 50 porsyento.

Sa isang pahayag, ipinaliwanag ni Kiusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) Secretary General Ronnni Manalo ang lagay ngayon ng mga magsasaka,  “Tumataas ang gastos sa langis at abono. Dahil dito, napipilitan ang maliliit na magsasaka na hindi na magdilig, magbawas ng tanim o tuluyang malugi.”

Hindi rin ligtas ang sektor ng pangingisda. Ayon kay Fausto, halos 50 porsyento ng maliliit na mangingisda ang hindi na pumapalaot dahil sa mahal ng krudo. 

Sa kabila nito, sinasabi ng Department of Agriculture na sapat pa ang suplay ng pagkain sa ngayon, kahit inaasahang mananatiling mataas ang presyo  . Ngunit giit ng mga grupo ng magsasaka at mangingisda, hindi sapat ang kasalukuyang ayuda.

Ayon sa KMP, ang P100 milyong laang fuel subsidy ng gobyerno para sa mga mangingisda ay sasaklaw lamang sa 15,669 mangingisda at 14,400 magsasaka. Malayo ito umano sa mahigit 2 milyong rehistradong mangingisda sa bansa.

Kasabay nito, inaasahan pa ang epekto ng El Niño na magtutulak sa pagtaas ng gastos sa agrikultura at maaaring magpababa pa ng produksyon.

“Kailangan ang agarang at mga konkretong solusyon,” diin ni Manalo.  “Tiyakin ang sapat na patubig, binhi, abono at iba pang suporta.” /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles