Arestado ang isang Chinese national at dalawang Korean national sa magkahiwalay na operasyon ng Bureau of Immigration (BI) sa Camarines Sur at Pampanga, ayon sa ulat ng ahensya.
Kinilala ang Chinese bilang si Yang Shaofang, 41 anyos, na naaresto sa Barangay Tara, Sipocot, Camarines Sur. Samantala, ang dalawang South Korean na sina Moon Jongkook at Park Youngsun ay naaresto sa Pampanga noong March 30.
Ayon sa BI, nahuli si Yang dahil sa paglabag sa kondisyon ng kanyang pananatili sa bansa at paggamit umano ng pekeng dokumento sa immigration.
Sa imbestigasyon ng mga operatiba, lumabas na si Yang ay namamahala ng isang motorcycle parts business kahit hindi ito tugma sa visa na ibinigay sa kanya.
Bago siya tuluyang maaresto, nagsagawa ng surveillance ang mga awtoridad at nakipag-ugnayan sa militar at pulisya. Noong una ay itinanggi umano ni Yang ang kanyang kaugnayan sa negosyo, ngunit kalaunan ay inamin din ang kanyang papel sa operasyon nito.
Samantala, ang dalawang Korean national ay nahuli dahil sa pagsasagawa ng mga aktibidad na hindi naaayon sa kanilang visa o pinahihintulutang pananatili sa Pilipinas.
Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, malinaw ang mensahe ng BI laban sa mga dayuhan na lalabag sa batas.
“All foreign nationals are expected to comply strictly with Philippine immigration laws. These arrests send a clear message that we will not tolerate abuse of our visa system or any attempt to deceive authorities,” pahayag ni Viado.
Dinala ang tatlong dayuhan sa main office ng Bureau of Immigration sa Maynila para sa booking, inquest proceedings, at karampatang legal na aksyon. /Bistado


