Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

State of calamity, idineklara sa Baguio dahil sa krisis sa langis

Idineklara ng Baguio City Council ang state of calamity sa lungsod sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at kakulangan sa suplay, na direktang nakaapekto sa transportasyon, turismo, at araw-araw na pamumuhay ng mga residente.

Sa ilalim ng Resolution No. 257, Series of 2026 na inaprubahan ng City Council sa kanilang regular session, layunin umanong ng hakbang ng lungsod na umayon sa Executive Order No. 110 na nagdedeklara ng national energy emergency.

Ayon sa resolusyon, ramdam na sa lansangan ang epekto ng krisis. Humaba ang pila ng mga pasahero sa mga terminal ng jeepney matapos magbawas ng biyahe ang ilang driver dahil sa mataas na gastos sa krudo. Bilang tugon, nagdeploy ang lokal na pamahalaan ng mga sasakyan at nagpatupad ng “libreng sakay” program katuwang ang mga transport cooperative para matulungan ang mga stranded na commuter.

Ayon sa monitoring sa lungsod, umabot na sa P165.70 kada litro ang presyo ng diesel sa ilang gasolinahan, na lalong nagpabigat sa gastusin ng mga operator ng pampublikong sasakyan.

Hindi lang transportasyon ang tinamaan. Ayon kay Mayor Benjamin Magalong, bumagsak ang bilang ng mga turistang bumibisita sa Baguio ng tinatayang 40 hanggang 50 percent. Samantala, sinabi ni Andrew Piñero ng Hotel and Restaurant Association of Baguio na bumaba rin ng halos 30 percent ang hotel bookings sa lungsod.

Apektado rin ang supply ng pagkain. Ang mga magsasaka sa Benguet, na pangunahing pinanggagalingan ng gulay sa Baguio, ay nahaharap sa tumataas na gastos sa transportasyon habang bumabagsak ang farmgate prices na nagdudulot ng pagkalugi sa mga magsasaka at problema sa daloy ng suplay sa merkado.

Bago pa man ang deklarasyon, itinuring na ng mga opisyal ng lungsod ang sitwasyon bilang transportation emergency. Agad silang nakipag-ugnayan sa mga transport group at nagpatupad ng traffic management adjustments para mapanatili ang galaw ng mga sasakyan at pasahero.

Sa ilalim ng state of calamity, maaari nang gamitin ng lungsod ang Local Disaster Risk Reduction and Management Fund para palawakin ang transport subsidies, tulungan ang mga apektadong sektor, at tiyakin ang tuloy-tuloy na suplay ng mga pangunahing serbisyo at produkto. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles