Pinapadalo ng House Committee on Justice ang dalawang mahalagang personalidad sa nagpapatuloy na impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte sa susunod na linggo.
Sa mga dokumentong inilabas ng komite, inatasan si National Bureau of Investigation Director Melvin Matibag na humarap sa pagdinig sa April 14, alas-diyes ng umaga sa People Center ng House of Representatives. Inatasan din siyang magsumite ng mga rekord ng NBI kaugnay ng imbestigasyon sa mga naging pahayag ni Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Kasabay nito, pinadadalo rin si Michael Poa, dating chief of staff ni Duterte sa Department of Education, para magbigay-linaw sa paggamit at liquidation ng confidential funds ng DepEd noong 2022 hanggang 2023.
Batay sa subpoena, kailangang magdala si Poa ng mga dokumentong isinumite ng DepEd sa Commission on Audit kaugnay ng confidential funds. Inaatasan din siyang tumestigo tungkol sa kanyang tungkulin at kaalaman sa paggamit ng nasabing pondo.
Ang mga subpoena ay pirmado ni Batangas Rep. Gerville Luistro, chairperson ng House Committee on Justice, at ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III.
Bahagi ito ng mas malawak na imbestigasyon sa impeachment complaints laban VP Sara. Dalawa sa apat na reklamo ang kasalukuyang dinidinig matapos ang isantabi ang unang reklamo at bawiin ang ikalawa ng mga naghain.
Sa darating na pagdinig sa April 14, inaasahang ilalatag ang mga dokumento at testimonya ng mga inimbitahang opisyal bilang bahagi ng patuloy na proseso ng impeachment sa Kamara. /Bistado


