Pinatigil ng Korte Suprema ang umano’y iligal na quarrying sa Angat watershed matapos maglabas ng writ of kalikasan laban sa isang construction firm at iba pang sangkot sa operasyon sa Bulacan.
Sa desisyon ng Supreme Court En Banc noong April 8, 2026, sa pamamagitan ng ponencia ni Associate Justice Amy C. Lazaro-Javier, iniutos ang writ laban sa Halrey Construction, Inc. at iba pang kumikilos sa ngalan nito. Ang kaso ay nagmula sa petisyon ni Narciso A. De Leon na kumuwestyon sa quarrying activities sa loob ng Angat River-Bustos Dam Forest Reserve sa Banaban, Angat, Bulacan.
Kasabay nito, pinagbigyan din ng Korte Suprema ang hiling na temporary environmental protection order. Dahil dito, agad na ipinag-utos ang pagtigil sa lahat ng quarrying, excavation, earth extraction, at iba pang katulad na aktibidad sa watershed area. Ipinagbawal din ang anumang hakbang na magdudulot pa ng karagdagang pinsala sa kalikasan.
Sa paliwanag ng Korte Suprema, ginamit nito ang tinatawag na precautionary principle, batay sa mga teknikal na findings sa kaso. Ipinakita ng mga ulat na ang quarrying ay nagdulot ng pagtaas ng surface runoff, erosion, at sedimentation sa watershed system.
Ayon pa sa mga findings, nasira ang mga pananim, halaman, at fruit-bearing trees sa lugar. Ang mga ito ay mahalagang bahagi ng tirahan ng wildlife sa forest reserve.
Binigyang-diin ng Korte Suprema na kahit bahagi lamang ng protected forest ang maaapektuhan, may malaki itong epekto sa kabuuang stability ng Angat watershed. Ayon sa korte, ang pagbabago sa natural na anyo ng lugar ay nagdudulot ng seryosong panganib sa buhay, kalusugan, at ari-arian ng mga residente sa ilang probinsya na umaasa sa dam at watershed.
Ang Angat River-Bustos Dam Forest Reserve ay isang protektadong lugar na idineklara sa ilalim ng Proclamation No. 573. Dahil dito, may espesyal na proteksyon ang lugar laban sa mga aktibidad na makakasira sa kalikasan.
Sa paglalabas ng writ of kalikasan, kinilala ng Korte Suprema na may sapat na batayan para ipatigil ang operasyon habang tinutukoy ang kabuuang epekto nito sa kapaligiran.
Ang writ of kalikasan ay isang ligal na remedyo na ginagamit para protektahan ang karapatan ng mamamayan sa isang malinis at balanseng kapaligiran, lalo na kung may malawakang pinsala o banta sa kalikasan. /Bistado


