Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

DBM: Gobyerno, maghihigpit sa gastos; target makatipid hanggang P25.6-B

Magpapatupad ng 20 percent bawas sa hindi mahalagang gastusin ang pamahalaan, na inaasahang magbibigay ng hanggang P25.6 bilyong savings ngayong taon, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).

Sa pahayag ng DBM, ang hakbang ay bahagi ng pagtugon ng gobyerno sa epekto ng tumitinding tensyon sa Middle East na nakaapekto sa global na suplay at presyo ng enerhiya.

Saklaw ng bawas ang Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng mga ahensya, partikular ang mga gastusing hindi kritikal sa operasyon. Kabilang sa mga ipatutupad na hakbang ang paglilimita ng official travel sa mahahalagang aktibidad, pagshift sa paggamit ng virtual meetings, pagpapatupad ng energy conservation, at pag-streamline ng operational expenses.

Ayon sa DBM, inaasahang makakalikom ng savings na nasa pagitan ng P12.8 bilyon hanggang P25.6 bilyon mula Marso hanggang Disyembre 2026, depende sa antas ng pagsunod ng mga ahensya ng gobyerno.

Nilinaw ni DBM Acting Secretary Rolando Toledo na hindi kasama sa 20 percent cut ang mga kritikal na serbisyo gaya ng edukasyon, kalusugan, at social protection. Aniya, mananatiling nakatuon ang pondo sa mga serbisyong direktang tumutugon sa pangangailangan ng publiko.

Dagdag pa ni Toledo, ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay tiyakin na napoprotektahan ang kapakanan ng mamamayan habang pinapanatili ang fiscal stability.

Kasabay nito, naglaan ang pamahalaan ng P238 bilyon para tugunan ang epekto ng krisis sa Middle East sa mga apektadong sektor. Ang pondong ito ay mula sa 2026 General Appropriations Act, continuing appropriations, at automatic appropriations.

Ayon sa DBM, gagamitin ang pondo para sa mga programang tulad ng fuel subsidies para sa transport sector, tulong sa mga magsasaka at mangingisda, healthcare support, at iba pang social protection measures.

Sa unang yugto ng implementasyon, inilaan ang P2.5 bilyon para sa fuel subsidies ng transport operators at karagdagang P1 bilyon para sa service contracting.

Sinabi ng DBM na ang paghihigpit sa non-essential spending ay bahagi ng mas malawak na hakbang para makalikha ng fiscal space habang pinapanatili ang tuloy-tuloy na serbisyo ng pamahalaan sa gitna ng tumataas na presyo ng enerhiya. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles