Umarangkada na ang dagdag na P20 sa minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa Bicol Region simula ngayong April 8, base sa Wage Order No. RBV-23 na inilabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board V sa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Mula sa dating P435, tataas tungonga P455 ang arawang sahod sa rehiyon. Hindi pa rito nagtatapos ang dagdag dahil may ikalawang tranche na P25 na ipatutupad simula December 1, 2026, na magtutulak sa minimum wage hanggang P480 kada araw.
Ayon sa wage order, saklaw ng umento ang lahat ng minimum wage earners sa pribadong sektor sa Bicol, anuman ang posisyon, status, o paraan ng pagbabayad ng sahod. Ipinunto rin na ang itinakdang sahod ay para sa normal na walong oras na trabaho kada araw.
Dumaan sa serye ng konsultasyon at public hearings ang pag-apruba ng dagdag-sahod. Batay sa dokumento, nagsagawa ng konsultasyon ang wage board sa iba’t ibang probinsya kabilang ang Catanduanes, Masbate, Camarines Norte, at Sorsogon noong Enero at Pebrero 2026.
Isinaalang-alang ng board ang lagay ng ekonomiya sa rehiyon bago maglabas ng bagong wage order. Ayon sa Wage Order No. RBV-23 , umabot sa 1.5 percent ang average inflation rate sa rehiyon mula April 2025 hanggang January 2026. Samantala, ayon sa Philippine Statistics Authority, nasa P46,000 ang poverty threshold para sa isang pamilyang may limang miyembro sa rehiyon noong January 2026. /Bistado


