Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Diesel pumalo sa lagpas P170/L 

Lumagpas na sa P170 kada litro ang diesel matapos ang ika-5 sunod na linggo ng oil price hike mula nang sumiklab ang sigalot sa Middle East noong February 28, kasunod ng pag-atake ng United States at Israel sa Iran.

Sa pinakahuling galaw ng presyo na epektibo ngayong Martes, April 7, umabot na sa P172.9 kada litro ang diesel, habang nasa P119.9 ang gasolina at P178.29 ang kerosene.

Ayon sa mga kumpanya ng langis, tuloy-tuloy ang double-digit increases sa diesel sa loob ng limang linggo, kasabay ng pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.

Sa advisory, sinabi ng Shell Pilipinas na magtataas ito ng P19.80 kada litro sa diesel, P5.90 sa gasolina, at P9.10 sa kerosene.

Sa panig ng Petron Corp., P18.80 kada litro ang dagdag sa diesel, P4.90 sa gasolina, at P8.10 sa kerosene.

Magpapatupad naman ang Seaoil ng P17.95 na dagdag sa diesel, P4.90 sa gasolina, at P8.10 sa kerosene.

May bahagyang palugit naman para sa mga motorista sa Jetti Petroleum, na magpapatupad pa lang ng kanilang price increase sa Biyernes, April 10. Nakatakda ang P18.60 dagdag sa diesel at P5.40 sa gasolina sa kanilang mga istasyon.

Sa kaugnay na balita, pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang pagbabantay laban sa fuel pilferage at iligal na imbakan at distribusyon ng langis.

Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., delikado sa komunidad ang mga ganitong aktibidad at haharap sa buong lakas ng batas ang mga lalabag.

Ang hakbang ay kasunod ng pagkakadiskubre ng isang stockpile ng diesel na walang permit sa loob ng isang residential compound sa Quezon City.

Iniutos ni Nartatez sa National Capital Region Police Office ang masusing imbestigasyon at inatasan ang lahat ng regional offices na paigtingin ang monitoring at intelligence-gathering sa kani-kanilang lugar.

Pinakikilos din ang National Support Units, kabilang ang Criminal Investigation and Detection Group, para tumulong sa kampanya.

Sa operasyon sa Quezon City, natagpuan ng pulisya ang mga drum ng diesel sa loob ng compound matapos ireport ng mga residente ang kahina-hinalang aktibidad, kabilang ang paglilipat ng hindi markadong fuel mula sa tanker papunta sa mas maliliit na lalagyan.

Iniimbestigahan pa kung gaano katagal nang umiiral ang nasabing imbakan at kung may iba pang katulad na operasyon sa ibang lugar.

Ayon sa PNP, nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Energy para makabuo ng kaso laban sa mga sangkot. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles