Mahigit 40,000 overseas Filipino workers (OFWs) ang naipit sa Maynila matapos ipatupad ang deployment ban sa ilang bansa sa Middle East, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Kabilang sa mga apektadong destinasyon ang Saudi Arabia, United Arab Emirates, Kuwait, Bahrain, Oman, Qatar, Israel, at Lebanon, habang nagpapatuloy ang tensyon sa rehiyon na nakaapekto sa biyahe at deployment ng mga manggagawa.
Marami sa mga stranded OFWs ay kasalukuyang naka-stay sa accommodation facilities ng recruitment agencies. Ang iba ay pinauwi muna sa kani-kanilang probinsya. Mayroon ding mga rehire at mga nagbakasyon na manggagawa na hindi makabalik sa kanilang trabaho dahil sa limitadong flight availability papuntang Middle East.
Ayon sa DMW at OWWA, mahigit 4,000 OFWs at kanilang dependents na ang na-repatriate, kabilang ang ilang stranded Filipino tourists mula Dubai at Jordan.
Sa pinakahuling repatriation effort, 88 Pilipino mula Qatar ang naibalik sa bansa sa loob ng dalawang araw. Noong April 4, dumating ang 67 katao, na binubuo ng 54 OFWs at 13 family members. Sinundan ito ng 21 pang dumating kinabukasan.
Dahil dito, umabot na sa 585 ang kabuuang bilang ng mga Pilipinong napauwi mula Qatar, ayon sa datos ng DMW.
Ayon sa mga awtoridad, nakatanggap ng financial assistance ang mga OFW bago sila umalis sa host country. Pagdating sa Pilipinas, binigyan sila ng karagdagang suporta tulad ng pagkain, tulong pinansyal, serbisyong medikal, transportasyon pauwi sa probinsya, at pansamantalang matutuluyan, sa tulong ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Patuloy namang mino-monitor ng pamahalaan ang sitwasyon habang pinalalakas ang mga programa para sa mga apektadong manggagawa at naghahanda sa posibleng mas mahabang pagkaantala ng overseas employment sa Middle East. /Bistado


