Handa raw makipagtulungan sa Office of the Ombudsman ang kampo ni dating House Speaker Martin Romualdez sakaling umusad ang planong pagsasampa ng plunder case kaugnay ng isyu sa flood control projects.
Ito ang pahayag ni Atty. Ade Fajardo, legal counsel at tagapagsalita ni Romualdez, kasunod ng ulat na inihahanda na ang paghahain ng kaso laban kina Romualdez at dating Senate President Chiz Escudero.
Inanunsyo kamakailan ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na magsasampa ang kanyang tanggapan ng plunder charges laban sa dalawang opisyal kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects, na bahagi ng mas malawak na imbestigasyon sa paggamit ng pondo sa naturang programa.
Diin ni Fajardo, sa ngayon wala pang kaso at wala pang pormal na basehan ang mga alegasyon.
Dagdag pa niya, wala umanong ebidensya na nag-uugnay kay Romualdez sa tinatawag na ghost projects sa flood control controversy.
Sa hiwalay na pahayag, kinuwestyon din ni Fajardo ang kredibilidad ng mga testimonya na inilabas kamakailan sa Senado. Aniya, “The allegations aired in the Senate are logically and physically impossible.”
Ipinaliwanag niya na ang isang testigo na si Curly Discaya “testified under oath that he has never entered South Forbes Park,” kaya ayon sa kanya, hindi posible ang mga sinasabing pangyayari na inuugnay sa nasabing lugar.
Dagdag ni Fajardo, “The claims come solely from the staff of an evicted tenant, unsupported by any document,” at iginiit na ang pangalan ni Romualdez “appears in no deed, contract, or payment record related to the property.”
“There is no evidence, only hearsay and possibly perjured statements, and therefore nothing to answer,” giit pa niya. /Bistado


