Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

DMCI, nasungkit ang P16-B kontrata para sa NAIA subway line

Matapos ang tatlong taong paghihintay, umusad na rin ang isa sa pinakamahalagang bahagi ng Metro Manila Subway Project matapos maigawad sa joint venture ng D.M. Consunji Inc. (DMCI) at Taisei Corp. ang P16-bilyong kontrata para sa spur line na didiretso sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Sa kontratang inukoy bilang Contract Package 109 na inilabas ng Department of Transportation, babayaran ang DMCI-Taisei joint venture ng P16.06 bilyon, hindi pa kasama ang 12 percent value-added tax, para itayo ang airport line. Bukod dito, may kasama ring foreign-denominated payments na USD20.17 million at 7.03 billion Japanese yen.

Pero mas mataas na ang babayaran ngayon kumpara sa naunang bid. Ang orihinal na submitted bid price ng DMCI at Taisei ay P16 bilyon. Nadagdagan ito ng P66.18 milyon para masalo ang price difference na dulot ng inflation noong 2024 at 2025, dahil naantala ang bidding sa loob ng dalawang taon.

Noong May 2023 pa inilabas ng DOTr ang invitation for bids para sa CP 109. Gayunman, natengga ang ilang kontrata sa subway dahil sa right-of-way problems sa Metro Manila Subway Project. Kaya naiwan ding nakabinbin ang bahaging ito ng proyekto.

Mabigat ang papel ng CP 109 dahil saklaw nito ang pagtatayo ng tunnels at isang estasyon sa NAIA. Naging alanganin din noon ang hinaharap ng bahaging ito dahil kasabay nito ang P170.6-bilyong pagtulak para isapribado ang pamamahala ng paliparan. 

Noong September 2024 lamang naibigay sa New NAIA Infrastructure Corp., sa pangunguna ng San Miguel Corp., ang operasyon at maintenance ng airport.

Kapag natapos ang CP 109, unang beses na magkakaroon ng railway connection ang NAIA. Malaking bagay ito sa mga biyahero dahil isa sa matagal nang problema ng bansa ang kakulangan sa rail link papunta sa pangunahing gateway ng bansa. Sa ngayon, pribadong sasakyan at ilang piling bus lamang ang direktang nakakakonekta sa NAIA.

Ikatlong subway contract na ito ng DMCI. Nauna na nitong nakuha ang CP 102 na sumasaklaw mula Quezon Avenue hanggang East Avenue at ang CP 105 mula Kalayaan hanggang Bonifacio Global City, kapwa kasama ang Nishimatsu Construction Co. Ltd.

Ang Metro Manila Subway Project, na nagkakahalaga ng P488.5 bilyon, ang magiging kauna-unahang underground railway sa bansa. Tatakbo ito sa 33 kilometro sa anim na lungsod sa Metro Manila. Kapag natapos, mababawasan sa 41 minuto ang biyahe mula Valenzuela City hanggang NAIA mula sa kasalukuyang isa’t kalahating oras. 

Inaasahan din itong magseserbisyo sa hanggang 520,000 commuter bawat araw.

Orihinal na target matapos ang proyekto noong 2029. Pero dahil sa delays na dulot ng right-of-way issues, naitulak na ang target completion hanggang 2032. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles