Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Eastern Visayas Wage Board, nakamonitor sa oil crisis habang nakaantabay sa 2nd wage hike sa rehiyon

TACLOBAN CITY — Mahigpit na mino-monitor ng Eastern Visayas Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB-8) ang epekto ng national energy emergency, lalo na’t dalawang buwan na lang ang natitira bago ipatupad ang ikalawang bugso ng minimum wage increase sa rehiyon.

Ayon kay Department of Labor and Employment Regional Director Dax Villaruel, na siya ring chair ng RTWPB-8, regular na nagpupulong ang board para kumuha ng updates sa kalagayan ng lokal na ekonomiya at galaw ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

“If there’s a need, we can always review it at our board meeting. The board will still review if the current situation constitutes supervening events,” ani Villaruel sa panayam nitong Lunes.

Sa ilalim ng RTWPB, ang “supervening event” ay isang pambihira at hindi inaasahang pangyayari na puwedeng maging batayan para agarang rebyuhin ang minimum wage rates kahit hindi pa lumilipas ang isang taon mula sa huling wage order.

Noong November 2025, inilabas ng board ang Wage Order No. RBVIII-25 na nagbibigay ng P35 na dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor. Hahatiin ito sa dalawang bugso: P17 simula December 8, 2025 at P18 sa June 1, 2026.

Kapag naipatupad na ang buong dagdag, aangat mula P405 hanggang P440 ang daily minimum wage sa rehiyon ng mga manggagawa sa agrikultura, cottage industries, handicrafts, at service o retail establishments na may hanggang 10 empleyado.

Para naman sa mga manggagawa sa non-agriculture at service o retail establishments na may higit sa 10 empleyado, tataas ang arawang sahod mula P435 hanggang P470.

Ayon sa board, ilang pangunahing socio-economic indicators ang naging batayan sa pag-apruba ng wage hike. Kabilang dito ang regional consumer price index, 2023 poverty threshold, gross regional domestic product growth, at bilang ng micro establishments sa rehiyon.

Sa ngayon, wala pang binabago sa umiiral na wage order. Pero binabantayan ng RTWPB-8 kung ang kasalukuyang epekto ng oil crisis at energy emergency ay aabot sa puntong mangangailangan ng panibagong pagrepaso sa umiiral na wage rates. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles