May balik-ginhawang hatid ang Government Service Insurance System (GSIS) sa mga miyembro at pensioner nitong may utang, matapos ilunsad ang programang magre-refund ng hanggang tatlong buwang loan amortization sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at epekto ng krisis sa Middle East.
Ayon sa GSIS, mahigit P19 bilyon ang kabuuang halagang ibabalik sa humigit-kumulang 1.37 milyong miyembro at pensioner.
Sa ilalim ng programang “Balik Ginhawa,” tuloy ang regular na loan deductions, pero ibabalik sa account ng aplikante ang katumbas ng hanggang tatlong buwang hulog na saklaw ang December 2025 hanggang February 2026. Kapag naaprubahan ang aplikasyon, mapapalawig din ang loan term nang tatlong buwan nang walang dagdag na interes o multa.
Boluntaryo ang pagsali at idinadaan ito sa GSIS Touch app.
Ayon kay GSIS President and General Manager Wick Veloso, ang layunin ng programa ay agarang makatulong sa mga miyembro.
“This is a more responsive approach than a traditional moratorium. Instead of suspending payments, we are returning up to three months of amortizations in one lump sum, giving our members immediate support when they need it most,” ani Veloso.
Pero take note, hindi lahat awtomatikong kwalipikado. Tanging mga miyembro at pensioner na may aktibong loan account at may naibayad na hulog sa covered period ang puwedeng makinabang. Ang walang loan payments sa mga buwang iyon ay hindi makakakuha ng refund. Dagdag pang requirement na hindi dapat defaulted ang account at wala ring arrears ang aplikante.
Ayon sa datos ng GSIS, ang monthly amortization ng mga sakop na borrower ay mula P4,000 hanggang P39,000. Ibig sabihin, ang posibleng ma-refund ay nasa humigit-kumulang P12,000 hanggang P117,000, depende sa laki at dami ng hulog sa loob ng tatlong buwan. Ang refund ay diretso ring iki-credit sa account ng miyembro para agad magamit sa pang-araw-araw na pangangailangan.
Ayon sa ahensya, ito ang paraan ng GSIS para magbigay ng agarang cash relief sa mga kawani ng gobyerno at retiradong umaasa sa bawat pisong pumapasok sa kanilang bulsa. /Bistado


