“Very sweet, very generous,” paglalarawan ni Barbie Imperial kay Annabelle Rama, kilalang mataray at over protective mother ng mga Gutierrez siblings sa showbiz.
Si Barbie ang girlfriend ngayon ni Richard, isa sa mga sikat na anak nina Annabelle at Eddie Gutierrez, na muling magbibida sa isang action-drama series sa ABS-CBN 2.
Sa naganap na mediacon para sa series kung saan din kasama si Barbie, kinumusta ng press ang estado ng relasyon nila ni Chard.
“We’re okey, mas lalong gumaganda ang aming samahan. Nahahawa na siya sa kakulitan ko,” kuwento ni Barbie.
Ayon pa sa maganda at batang aktres, never daw niyang naranasan na matarayan man lang o sungitan ni tita Annabelle. Sa maraming pagkakataon daw na nagkasama sila, naimbita siya sa mga family gathering at ibang okasyon ng pamilya, “wala akong masabi sa pagiging mababait nila sa akin. They always consider me as part of their family.”
Hanggang sa ibinida na nga ni Barbie ang mga alahas na iniregalo sa kanya ni tita Annabelle.
“Naku, nung birthday ko, sobra siyang sweet. Niregaluhan niya ako ng diamond earrings at ring. Napaka-generous. I can only be grateful and thankful,” sey pa ni Barbie.
Hindi daw kailanman iniisip ni Barbie na ginagamit lang siya ni tita Annabelle para umano pasakitan ang dating asawa ng anak. Balita kasing hindi naging maganda ang paghihiwalay ng aktor sa ina ng dalawang apo ng mataray na showbiz mother.
“I can’t comment on that po. Siguro naman po sa hinaba-haba ng time na nakilala ko sila at nakasama, pure and genuine na sweetness, pagrespeto at love and care ang naramdaman ko sa kanila,” sagot ni Barbie.
Simula ng maghiwalay ang aktor sa kanyang asawang si Sarah Lahbati noong 2024, wala ng ibang babae na naugnay dito kundi si Barbie.
Sa simula ng kanilang romansa, marami din silang pinagdaanang mga kontrobersya lalo’t hindi pa nga ganap na annulled ang kasal nina Chard at Sarah.
On-going ang annulment case na na-i-file last 2025 at maayos naman daw ang proseso ng ‘co-parenting’ nina Chard at Sarah.


