Tinataya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na aabot sa 3.1 hanggang 3.9 porsyento ang inflation ngayong Marso 2026, kasabay ng pagtaas ng presyo ng langis, bigas, at kuryente.
Batay sa pagtataya ng BSP, pangunahing nagtutulak sa inflation ang pagmahal ng produktong petrolyo, pagtaas ng presyo ng bigas, at dagdag-singil sa kuryente sa mga lugar na sineserbisyuhan ng Meralco.
Dagdag pa rito ang paghina ng piso, na nagpapataas sa gastos sa mga inaangkat na produkto.
Sa kabila nito, inaasahang makakatulong ang pagbaba ng presyo ng gulay, isda, at karne para maibsan ang pressure sa inflation.
Gayunman, sinabi ng BSP na kailangan pa ring bantayan ang mga salik na maaaring magtulak pa pataas sa inflation sa mga susunod na buwan.
Ayon sa BSP, patuloy nitong susubaybayan ang mga paparating na datos sa inflation at paglago ng ekonomiya, pati ang mga kaganapan sa Middle East at ang epekto nito sa presyo ng langis at aktibidad pang-ekonomiya. /Bistado


