Naglunsad ng manhunt ang Philippine National Police (PNP) para tugisin ang mga suspek sa pagpatay sa isang pulis at kanyang kasamang sibilyan sa Lanao del Sur.
Noong Lunes, March 30, iniutos na sa mga ground commander, lalo na sa Police Regional Office sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM, na tukuyin at arestuhin ang mga salarin.
Kinilala ang nasawing pulis bilang si Corporal Walid Buleg Sangcopan. Kasama niya ang isang sibilyan nang tambangan ang kanilang sinasakyang kulay abong Toyota Innova.
Naganap ang insidente madaling araw ng Sabado, March 28, sa isang liblib na bahagi ng kalsada sa Barangay Paglamatan, Saguiaran, Lanao del Sur, kung saan pinaputukan ng mga armadong suspek ang sasakyan ng mga biktima.
Naganap ang pamamaril ilang oras matapos ang hiwalay na ambush sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur na ikinasawi ng limang pulis at ikinasugat ng tatlo pa.
Mariing kinondena ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang ambush. “We strongly condemn this senseless and cowardly ambush. We will not let this pass, and the Philippine National Police will respond with full force of the law,” pahayag niya.
Sinabi ng PNP na nakikipag-ugnayan ang pulisya sa Armed Forces of the Philippines para palakasin ang seguridad sa BARMM at maiwasan ang karagdagang karahasan.
Ayon sa PNP, posibleng may kinalaman ang insidente sa Maguindanao sa isang lokal na teroristang grupo kasunod ng mga naunang operasyon ng pulisya laban dito.
Sinabi ni Nartatez na tuloy-tuloy ang operasyon para matunton ang mga responsable sa dalawang magkahiwalay na pag-atake. /Bistado


