Pinakikilos na ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang Kamara para maglatag ng mabilis at targeted na tugon sa epekto ng krisis sa Middle East sa mga Pilipino.
Inanunsyo ni Dy nitong Lunes na magsasagawa ang Kamara ng serye ng joint committee hearings para pag-isahin ang hakbang ng lehislatura at ehekutibo at makabuo ng komprehensibong legislative response, mula agarang ayuda hanggang pangmatagalang paghahanda.
Ayon sa Speaker, isasagawa ang mga pagdinig sa session break pagkatapos ng Holy Week. Tatalakayin dito ang mga kailangang hakbang sa kagyat, katamtaman, at mahabang panahon.
“We are holding these joint hearings to make sure that the initiatives of the Legislative branch are coordinated with the Executive and are properly targeted and forward-looking. Ang kailangan natin ngayon ay malinaw na plano, hindi lang para sa ngayon, kundi para sa mga susunod na buwan at taon,” ani Dy.
Sinabi rin niya na hindi sisihan ang layunin ng mga pagdinig. “The objective of these hearings is to work with our partners in the Executive to identify solutions, not point fingers,” dagdag niya.
Ayon pa kay Dy, nais ng Kamara na marinig mismo ang mga economic manager at frontline agencies para makabuo ng mga hakbang na direktang makakatulong sa publiko. “We want to hear directly from our economic managers and frontline agencies, so we have the information we need to come up with measures that can help our people cope with the impact of the Middle East conflict,” paliwanag niya.
Kabilang sa mga komiteng lalahok sa joint hearings ang: Energy (Rep. Jose Alvarez), Agriculture (Rep. Wlfrido “Mark” Enverga), Aquaculture and Fisheries (Rep. Tsuyohoshi Anthony “Hori” Horibata), Foreign Affairs (Deputy Speaker Maria Rachel Arenas), Ways and Means (Rep. Miro Quimbo), Labor and Employment (Rep. Ramon Jolo Revilla III), Transportation (Rep. Franz Pumaren), Information and Communications Technology (Rep. Miguel Luis Villafuerte), Economic Affairs (Rep. Antonio Legarda Jr.), at Social Services (Rep. Cheeno Miguel Almario).
Ayon kay Dy, gagamitin ng Kamara ang magiging resulta ng mga pagdinig para suportahan ang aksyon ng ehekutibo at bumuo ng mga hakbang na makakabawas sa epekto ng global disruptions sa mga pamilyang Pilipino.
“Hindi natin kontrolado ang nangyayari sa labas ng bansa, pero kontrolado natin kung paano tayo tutugon sa mga hamong ito. Ang mahalaga, handa tayo, mabilis tayo, at sama-sama tayo sa paghahanap ng solusyon,” ani Dy. /Bistado


