Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

DA, pinaigting ang pagbili ng sibuyas sa Mindoro para agapayan mga magsasaka

Pinaigting ng Department of Agriculture (DA) ang target na pagbili ng sibuyas para suportahan ang mga lokal na magsasaka sa gitna ng pressure sa farmgate prices.

Kasabay ito ng pagpapabilis ng Food Terminal Inc. (FTI) sa market intervention, katuwang ang private sector, para tulungan ang mga onion farmer sa Occidental Mindoro.

Sa isang pahayag, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na mahalaga ang hakbang para mapatatag ang galaw ng presyo nang hindi ginugulo ang merkado.

“We must strike a careful balance – ensuring farmers earn fairly while protecting consumers from price spikes,” ani Tiu Laurel.

Dagdag pa niya, “Strategic buying and storage allow us to support producers during periods of oversupply, while preserving enough buffer to prevent sharp increases in retail prices.”

Ayon sa DA, nakabili ang mga private investor ng humigit-kumulang 6,000 sako ng sibuyas sa Occidental Mindoro sa presyong P32 hanggang P35 kada kilo.

Mas mataas ito kumpara sa umiiral na farmgate price na P22 kada kilo. Ayon sa ahensya, makatwiran din ang naturang presyo kung isasaalang-alang na nasa P18 hanggang P24 kada kilo ang karaniwang gastos sa produksyon.

Nanawagan naman si FTI Sales and Distribution Manager Edoard Medalla sa private sector na bilisan ang pagbili ng lokal na sibuyas.

Bagamat limitado pa ang saklaw ng market intervention ng FTI, sinabi ni Medalla na makakatulong ang mga hakbang na ito para umangat ang farmgate prices at maiwasan ang posibleng supply shocks sa hinaharap.

“We cannot guarantee we will buy all production, but we will try to support prices around P35 a kilo, depending on quality and storage availability,” ani Medalla.

Tinatayang nasa 3.2 milyong sako ang onion output sa Occidental Mindoro.

Samantala, sinabi ng ahensya na nakipag-ugnayan na ito sa mga eksperto sa labas ng probinsya para masiguro ang imbakan at mapanatili ang kalidad ng mga mabibiling ani.

“This is the first time we entered the onion market in Mindoro, so we have to rely on experts we have engaged in Nueva Ecija to maintain quality,” ayon kay Medalla.

Sa Nueva Ecija, nakabili na ng humigit-kumulang 110,000 sako sa average na presyong P40 kada kilo.

Nauna nang naka-secure ang FTI ng cold storage capacity para sa 190,000 sako sa Nueva Ecija. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles