Sinimulan ngayong Lunes, March 30, ang “Libreng Sakay” program ng Manila local government kung saan 1,442 public utility jeepney (PUJ) ang inilatag sa iba’t ibang ruta para magsilbi sa mga commuter.
Saklaw ng programa ang buong lungsod, at makikilala ang mga kasaling jeep sa karatulang “This PUJ is provided for by the City of Manila. LIBRENG SAKAY.”
Sa ambush interview matapos ang flag-raising ceremony sa Kartilya ng Katipunan kaninang umaga, sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno na tugon ang programa sa pinagsamang problema sa ekonomiya at transportasyon.
“Ito ang patong-patong na nagiging suliranin ng taong bayan. Bukod sa ekonomiya, hirap na hirap na silang sumakay,” ani Moreno.
Ipinaliwanag niya na apektado rin ang hanapbuhay ng mga driver dahil sa boundary system. Sa ilalim ng programa, tiniyak ng lungsod ang kita ng operator at driver.
“Operator, garantisadong may kita. Driver, regular P200, P300 na net niya, at least ngayon humigit kumulang P1,000 guarantee,” pahayag niya.
Ayon kay Moreno, makakatulong ang setup para mabawasan ang agawan ng pasahero sa kalsada. “Hindi na para maghabol o mataranta ang driver. Nakita mo, walang nag-aagawan. So safe for everyone,” dagdag niya.
Sinabi rin ng alkalde na tinatayang aabot sa 100,000 pasahero ang mapagsisilbihan ng libreng sakay, kabilang ang mga estudyante at manggagawa na araw-araw bumibiyahe sa Maynila.
Binanggit niya na 1,097 operators at driver ang tumugon sa panawagan ng lungsod para makilahok sa programa. “Nanawagan tayo, hiniram natin ang kanilang jeep at oras para maglingkod sa ating mga mananakay,” ani Moreno.
Hinimok din niya ang mga driver na alagaan ang mga pasahero bilang kapalit ng tulong na ibinigay ng lungsod. “Tutal pinagmalasakitan na kayo ng lungsod, pagmalasakitan nyo rin ang ating mga mananakay,” aniya.
Samantala, inanunsyo ng Department of Transportation na may mga rutang seserbisyuhan din ng libreng sakay ngayong araw, March 30, mula 7:00 AM hanggang 8:00 PM.
Kabilang dito ang Philcoa hanggang Cubao, Welcome hanggang Cubao, Lawton hanggang Welcome, Lawton hanggang PITX, Nagtahan hanggang Cubao, Commonwealth hanggang Fairview, Quiapo hanggang Fairview, at Baclaran hanggang Monumento via Taft. /Bistado


