Agad na nag-trending nitong March 26, ang first official trailer ng animated feature film na ‘Forgotten Island,” na pinagbibidahan nina Liza Soberano at Fil-am singer na si H.E.R.
Maraming netizen at mga pinoy fans ang nagalak sa napanood nilang trailer dahil pinoy na pinoy ang kuwento ng animated film, lalo’t may mga karakter ditong aswang, manananggal at iba pang bahagi ng Filipino mythology.
Para naman sa mga tagahanga ni Liza, isa itong patunay na ang naunang hollywood film project na bumida siya ay hindi “pagkakataon lamang.”



Sigaw ng mga supporters ni Liza, “indeed she is slowly making a name in the Hollywood scene. Whether it’s she starring on it or her voice being featured. Nakaka-proud lang. Hindi ba kailan lang ay pormal (hindi basta nag-gate crash) nating nakita siyang nakikipag-halubilo sa mga hollywood greats sa OSCARS ceremony? And now with this? Amazing, Liza.”
Sa inilabas na synopsis ng feature film ang Forgotten Island ay istorya ng dalawang high school graduates Jo at Raissa (Liza at H.E.R.) na aksidenteng napadpad at naligaw sa isla ng Nakali, isang misteryosong isla na maraming mga pinoy creatures.
Habang hinahanap nila ang daan pauwi, naka-engkwentro nila ang ‘weredog’ na si Raww (Dave Franco), at ang pinaka-kinatatakutang creature sa isla, ang Dreaded Manananggal (Lea Salonga).
Ang pinag-uusapang trailer na humahamig na ng daang libong views mula sa netizen ay lubos ngang kinatutuwaan lalo’t marami ditong mga popular na pinoy reference gaya ng aswang, ang jeepney na may signboard na “Mabuhay”, isang ibon na kagaya ng pamosong Ibong Adarna, at ang portal na kahawig ng araw sa Philippine flag.
Bukod kina Liza at H.E.R, ang mga pinoy na nakilala na sa Hollywood na nag-lend ng mga boses nila para sa feature film ay sina Lea Salonga, Dolly de Leon, Manny Jacinto, Jo Koy, Jenny Slate, at Ronny Chieng.
Ang “Forgotten Island” ay mula sa panulat ni Joel Crawford, na siya ding direktor nito. Si Crawford ay isang Academy Award nominee. Katulong niya dito si Januel Mercado at prinodyus ito ni Academy Award nominee ding si Mark Swift. Sila ang filmmaking team na nasa likod ng hit movie at award-nominee na Puss in Boots: The Last Wish.
Mula ito sa DreamWorks Animation’s na idi-distribute ng Universal Pictures globally.
Mapapanood ito sa mga sinehan sa Pilipinas sa darating na Sept. 23.


