Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong Biyernes, March 27, na sapat ang suplay ng krudo ng bansa hanggang June 30, sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East.
Inilahad ng Pangulo ang pahayag sa sidelines ng inagurasyon ng bagong NAIA Expressway west-bound off-ramp sa Pasay City, kung saan tinukoy niya ang kasalukuyang estado ng oil supply ng bansa.
Ayon kay Marcos, tuloy-tuloy ang pagdating ng fuel shipments sa Pilipinas, lalo na ng crude oil na ginagamit para i-refine sa mga produktong petrolyo gaya ng diesel. “Dahil nga diyan ay meron na tayong supply of crude oil, sufficient supply hanggang June 30,” anang Pangulo.
Ipinaliwanag din niya na mas praktikal ang pag-import ng krudo kaysa sa finished fuel products. “Iba ang presyuhan kapag nagpasok tayo ng krudo mismo, ng diesel kaysa magpapasok tayo ng crude oil, tayo mag-refine. Mas mahal ’yung magpapasok ka ng refined na, ng diesel na,” aniya.
Kasabay nito, tiniyak ng Pangulo na patuloy ang hakbang ng pamahalaan para makahanap ng dagdag na mapagkukunan ng langis bilang bahagi ng pagpapatibay ng energy security ng bansa, lalo na matapos ideklara ang state of national energy emergency dahil sa nagpapatuloy na krisis sa Middle East.
Kabilang sa mga pinakahuling development ang pagdating ng isang barko na may kargang mahigit 700,000 barrels ng crude oil mula Russia. Ang shipment ay nakatakdang dalhin sa refinery ng Petron Corporation sa Bataan para iproseso bilang diesel at gasolina. /Bistado


