Muling nagbabalik ang pandemic era bayanihan sa porma ng “community pantry” o mga stall na nilalagyan ng pagkain at pangunahing pangangailangan, ngayong nahaharap sa panibagong pagsubok ang mga tsuper ng public utility vehicles (PUVs) dahil sa sunod-sunod na taas-presyo ng langis.
Muling inilunsad ang mga community pantry sa ilang lugar para direktang makatulong sa mga PUV driver na apektado ng oil crisis. Kabilang sa mga aktibong grupo ang Maginhawa Community Pantry, na naging simbolo ng bayanihan noong kasagsagan ng pandemya.
Sa panibagong inisyatibang ito, ang mga tsuper ang pangunahing benepisyaryo. Isinabay sa paglulunsad ng nationwide transport strike ang muling paglulunsad ng inisyatiba.
Layunin ng pagbubukas muli ng community pantries na maibsan ang gastusin ng mga tsuper sa araw-araw, lalo na habang tumataas ang presyo ng krudo na direktang tumatama sa kanilang kita.
Ayon kay Patricia Non, isa sa mga organizer ng Maginhawa Community Pantry, mas epektibo ang direktang pagbibigay ng goods kaysa cash donations para masigurong agad itong napapakinabangan ng mga driver.
“Maraming salamat po sa patuloy ninyong suporta sa Maginhawa Community Pantry at sa iba pang community pantries sa iba’t ibang lugar. Para po sa Maginhawa, hindi po kami humihingi ng monetary donations. Mas makakatulong po kung direkta kayong makapagdadala ng mga goods. Para din po diretso sa ating drivers,” ani Non sa kanyang Facebook post.
Hinimok din ni Non ang publiko na makilahok sa pamamagitan ng simpleng pagdadala ng anumang kaya nilang iambag. “Pwede rin po kayong mag-organize with family at mga friends para sa ‘pasabuy ng tulong’ basta kahit ano lang pong kaya,” dagdag niya.
Para sa mga hindi makapunta sa Maginhawa, sinabi niyang puwedeng tumulong sa pinakamalapit na community pantry o terminal. “Kung malayo naman po kayo, pwede rin kayong mag-abot ng tulong sa pinakamalapit na community pantry o terminal sa inyong lugar,” ani Non.
Patuloy ang panawagan ng mga community pantry organizers para sa tuloy-tuloy na suporta, habang inaasahang magpapatuloy ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa kabuhayan ng mga tsuper sa mga susunod na linggo. /Bistado


