Isasara na ng Robinsons Retail Holdings, Inc. (RRHI) ang lahat ng No Brand stores sa Pilipinas pagsapit ng June 2026.
Kabuuang 11 outlets ang maaapektuhan ng desisyong ito. Ang No Brand ay isang South Korean retail concept na dinala sa bansa sa pamamagitan ng partnership ng RRHI at E-Mart.
Sinabi ng kumpanya na ang pag-exit sa No Brand business ay bahagi ng pag-angkop sa nagbabagong consumer trends. Patuloy umano ang pagsusuri ng RRHI sa kanilang mga negosyo para mas tumugma sa pangangailangan ng merkado.
Bunsod ng desisyon, hindi na ipagpapatuloy ang operasyon ng brand sa bansa, bagamat walang ibinigay na detalyadong paliwanag ang kumpanya hinggil sa performance nito.
Kilala ang No Brand sa pagbebenta ng mga produktong walang branding at may simpleng packaging, na layong panatilihing abot-kaya ang presyo. /Bistado


