Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

‘University of Makati’ nasa ayuda list? LGU binatikos sa umano’y maling entry

Inulan ng kritisismo sa social media ang anila’y mali-maling entry sa listahan ng mga mabibigyan ng ayuda sa ilalim ng cash relief program para sa delivery riders sa Makati City.

Ito ay matapos mapansin ng netizens ang isang kakaibang pangalan sa inilabas na listahan ng beneficiaries, kung saan nakalista bilang beneficiary number 2121 ang “Makati, University of.”

Ang listahan ay bahagi ng programang ipinatutupad ng Makati City LGU, katuwang ang Department of Social Welfare and Development, para sa pamamahagi ng Cash Relief Assistance sa kabuuang 3,642 delivery service riders.

Ayon sa anunsyo ng Makati City government, magaganap ang payout sa March 26 hanggang 27, mula 7:00 AM hanggang 5:00 PM sa City Hall Quadrangle. Ang listahan ng mga benepisyaryo ay mula umano sa datos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Pero sa halip na maayos na rollout, umani ng batikos ang listahan matapos kumalat online ang screenshot na nagpapakita ng nasabing entry.

“Maniniwala na kong reliable yung listahan kung maipapakita niyo sakin kung sino yang ‘University of Makati’ na yan,” ayon sa nag-viral na Facebook post.

May ilan ding netizens ang naglabas ng pagkadismaya. “Nakakaawa yung mga totoong driver na wala sa listahan,” sabi ng isang commenter. “TNVS na rin pala ang Umak ngayon,” dagdag pa ng isa.

May mga nagsabing hindi ito simpleng typo. “Hindi ito typo lang. Patunay ito na walang matinong validation,” ayon sa isa pang komento.

Sa parehong thread, nanawagan ang publiko ng mas mahigpit na beripikasyon ng listahan, dahil sa pangamba na maaaring may makalusot na hindi kwalipikado at maagaw ang ayudang para sa lehitimong beneficiary.

Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na pahayag ang Makati City government kaugnay ng isyu. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles