Hindi humarap si Vice President Sara Duterte sa unang pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay ng impeachment complaints laban sa kanya nitong Miyerkules, March 25.
Sa kabila nito, itinuloy ng House panel ang pagdinig bilang bahagi ng mandato nitong suriin ang mga reklamong inihain laban sa Bise Presidente.
Sa nasabing pagdinig, naglabas din ang komite ng subpoena para hilingin ang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth o SALN ni Duterte bilang bahagi ng mga dokumentong kinakailangan sa imbestigasyon.
Nagbabala si House Justice Committee chair at Batangas Rep. Gerville Luistro sa epekto ng hindi pagdalo ng Bise Presidente. “…It will be, should I say, to the disadvantage of the Vice President. She will lose the opportunity to question the evidence laid down by the complainant,” ani Luistro.
Dagdag pa ni Luistro, may posibilidad na mapabilis ang proseso kung hindi aktibong sasagutin ni VP Sara ang mga alegasyon sa loob ng pagdinig.
Kahit pa no-show si VP Sara sa hearing ng Kamara, iimbitahan pa rin daw siya ulit sa susunod na schedule sa April 14, sabi ni Luistro. /Bistado


